Tiniyak ng Department of Education o DepEd na handa at ligtas ang pagbubukas ng face-to-face classes sa 3,687 paaralan sa Gitnang Luzon.
Ayon kay DepEd Regional Director May Eclar, 100 porsyento ng mga paaralan sa rehiyon ang sumailalim sa masusing pagsusuri ng kanilang kahandaan at kaayusan kaya naman sila ay ginawaran ng School Safety Assessment Tool Compliance Certificate.
Dagdag pa ni Eclar, Nobyembre 2021 pa lamang ay nagsimula na ang mga inisyatibo ng kanilang ahensya katuwang ang mga stakeholders at education partners para sa pagbubukas ng mga eskwelahan sa mahigit 2.8 milyong kabataan sa rehiyon.
Simula Agosto 22, 100 porsyento ng mga paaralan ang magkakaroon ng face-to-face classes kung saan 98 porsyento ang nagtakda ng limang araw na in-person classes.
Samantala, dalawang porsyento naman ang magsasagawa ng blended learning bilang bahagi ng kanilang transition period.
Kaugnay nito, muling tiniyak ni Eclar na ligtas ang balik-eskwela para sa mga guro at mag-aaral.
Ipinaabot din niya ang kanyang pagsaludo at pagsuporta kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa paninidigan nito na muling ibalik ang in-person classes matapos ang mahigit sa dalawang taong pagsasara ng mga paaralan bunsod ng pandemya sa Covid-19.
Giit nya, lubos na mahalaga ang mga paaralan at paggabay ng mga guro tungo sa epektibong pagkatuto ng mga estudyante.
Aniya, sa pamamagitan ng DepEd Region 3 Education Development Plan at Learning Recovery and Continuity Plan ay maaasahan ang determinasyon ng kanilang ahensya sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon ng mga bata.
Dinaluhan ni Duterte ang National School Opening Day Program na idinaos sa Dinalupihan Elementary School.