Di tradisyunal na paraan ng ayuda sa pagkain ng Bulakenyo, ikinasa

BOCAUE, Bulacan — Hindi lamang tradisyunal na relief goods o food packs ang ipinamamahagi sa mga Bulakenyo ngayong umiiral ang Luzon Enhanced Community Quarantine.

Sa bayan ng Bocaue, nagbigay ng direktiba si Mayor Joni Villanueva-Tugna na bilhin ng pamahalaang bayan ang sari-saring gulay na hindi maibaba mula sa mga lalawigan na nasa rehiyon ng Cordillera. 

Aabot sa 13,200 na kilo ng sari-saring gulay mula sa Mountain Province ang binili ng Pamahalaang Bayan ng Bocaue para ipangtulong sa suplay sa pagkain ng mga pinakanangangailangan sa bayang ito, partikular na ang 16 na libong mga senior citizens, ngayong umiiral ang Enhanced Luzon Community Quarantine. (Tanggapan ng Punong Bayan ng Bocaue)

Partikular na binili ito sa mga magsasakang Igorot sa Bauko, Mountain Province na bahagi ng nasabing rehiyon.

Dumating na sa bayan ang mga trak na may lulan na 13,200 kilo ng mga gulay gaya ng Sayote, Patatas, Kamatis, Pechay at Broccoli. 

Prayoridad na hahatiran ng mga gulay ang may 16 libong mga senior citizens ng Bocaue. 

Sa bayan ng San Ildefonso, nasa 31 libong pamilya ang pinagkalooban ng tig-iisang buhay na Manok na may kasamang mga gulay. 

Ayon kay Mayor Carla Galvez-Tan, minarapat ng pamahalaang bayan na mga masusustansiyang pagkain ang ipagkaloob sa mga mamamayan ng San Ildefonso bilang isang bayan na tinaguriang Vegetable Basket ng Bulacan. 

Inatasan din ng punong bayan ang mga Barangay Health Workers na tumulong sa paghahatid ng mga nakakahon at nakapaketeng mga gatas sa mga bahay na may nakatirang mga bata at sanggol. 

Ang uri ng ibinibigay na mga gatas ay ibabatay sa edad ng isang bata o sanggol na nakatira sa isang bahay. 

Ang isang barangay naman sa San Miguel, magkasamang mga Upo, Ampalaya, Kamatis na may kasamang itlog ng Pugo at Tilapya ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Barangay ng Bantog. 

Ayon kay Kapitan Ernesto Maon, dahil maliit lamang ang pondo nitong barangay, minarapat ng pamahalaang barangay na bilin ang mga aning gulay ng mga magsasaka dito sa halip na bumili ng mga delata para gawing relief goods.

Samantala, isang kumpanya naman ng tinapay na may pabrika sa bayan ng Bulakan ang nagbigay ng isang libong libreng load bread sa bawat barangay.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews