LUNGSOD NG CABANATUAN– Target ng pamahalaang lungsod ng Gapan na masimulan ang operasyon ng bagong tayong Dialysis Center sa darating na Hulyo 7.
Ayon kay Mayor Emerson Pascual, layunin ng tanggapang umagapay sa mga nasasakupang nangangailangan ng relugar na dialysis.
Aniya, anuman ang katayuan, mayaman o salat sa buhay basta’t residente ng Gapan ay libre ang bawat sesyon ng dialysis at mayroon pang matatanggap na 500 pisong allowance matapos ang bawat pagpapagamot.
Nais ng alkalde na wala nang aalalahanin pa ang mga kababayan sa pangangailangang medikasyon lalo ang mga dapat sumailalim sa dialysis higit isang beses sa isang linggo.
Pahayag ni Pascual, kung ang gastos sa dialysis ay pumatak ng dalawang libong piso ay mahihirapang masustentuhan ng ordinaryong kawani ang regular na gamutan.
Ang mahalaga aniya ay walang tiga-Gapan na magtitiis mula sa sakit, na ang lahat ay magkaroon ng pagkakataong makapagpagamot.
Nasa 24 na dialysis machine ang binili ng pamahalaang lungsod na kayang i-accommodate ang nasa 100 pasyente sa loob ng isang araw.
Batay sa talaan ng pamahalaang lokal ay nasa 200 pasyente sa Gapan ang nangangailangan ng regular na dialysis at makikinabang sa naturang proyekto na maaari pang madagdagan. (