LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Kinilala kamakailan ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang anim na lokal na pamahaalan sa Gitnang Luzon dahil sa mga natatanging kontribusyon sa rehabilitasyon ng Manila Bay area.
Nanguna ang Balanga sa city category habang pumangalawa ang San Jose at pumangatlo ang San Jose del Monte.
Taga Bulacan naman ang lahat ng nagwagi sa municipal category kung saan nanguna ang Plaridel, pumangalawa ang Doña Remedios Trinidad, at pumangatlo ang San Rafael.
Ayon kay DILG Regional Director Julie Daquioag, ang paggawad ng Manila BAYani Awards ay batay sa resulta ng Environmental Compliance Audit o ECA.
Sinusuri ng ECA ang implementasyon at pagsunod ng mga lungsod, bayan, at barangay sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Tinitignan din nito ang mga lokal na inisyatiba at mga inobasyon sa pangangalaga sa kalikasan.
Tumanggap ang mga nagwagi ng plake at perang insentibo.
Kasabay ng awarding ceremony ang paglulunsad ng Manila Bay Coffee Table Book kung saan tampok dito ang pagsusumikap ng pamahalaan sa panunumbalik ng dating sigla ng Manila Bay.
Ang Manila Bay Rehabilitation Project ay pagtalima sa desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 18,2008 sa pamamagitan ng writ of continuing mandamus kung saan magiging prayoridad ito ng mga implementing and attached agencies gaya ng DILG, Department of Environment and Natural Resources, at Department of Public Works and Highways.