LUNGSOD NG MALOLOS- Ipinatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ng kasalukyang umaaktong Gobernador Daniel R. Fernando sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang “Operation Listo” na naglalaman ng mga protokol ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa pagresponde at pag-monitor sa kalamidad na dulot ng Tropical Storm ‘Henry’ at Tropical Depression ‘Inday’.
Ang Operation Listo ay isang programa na binubuo ng disaster preparedness manuals na naglalaman ng mga dapat gawin ng mga mayor bago, habang at pagkatapos ng sakuna at kalamidad sa kani-kanilang nasasakupan.
“PDRRMC Operation Center has coordinated with all the cities, municipalities, Office of Civil Defense, Mines and Geosciences Bureau, DENR, PRFFWC- Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, different rescue teams and other concerned agencies to ensure the safety of each family in the community. The OpCen also regularly receives updates and observations from rain gauges and water levels of Angat, Ipo and Bustos dams and other areas,” ani Fernando.
Ayon sa Situation Report No. 6 ng PDRRMC nitong Hulyo 18, 2018, may 15 barangay sa Calumpit, anim na barangay sa Lungsod ng Meycauayan, lima sa Marilao at isang barangay sa Obando ang binaha habang umabot naman sa P23,014,508 ang napinsala sa agrikultura.
Gayundin, namahagi ang Provincial Health Office-Public Health ng Doxycycline at ointment upang maiwasan ng mga residente sa mga binahang lugar sa Hagonoy, Marilao, Obando at Lungsod ng Meycauayan ang pagkakaroon Leptospirosis.
Ayon pa sa Situation Report No. 7 ng PDRRMC ngayong araw, anim na barangay sa Lungsod ng Meycauayan at 15 barangay sa bayan ng Calumpit ang kasalukuyan pang binabaha.
Ang mga punong bayan naman ng Marilao, Norzagaray, Paombong, Obando, Calumpit, at Bocaue ay nag-anunsyo na walang pasok sa lahat ng mga lebel sa publiko at pribadong paaralan; habang hanggang senior high school lamang ang suspensiyon ng klase sa Lungsod ng Malolos, Hagonoy at San Miguel.
Dahil sa masamang lagay ng panahon kahapon, nag-isyu ng media advisory si Fernando sa pamamagitan ng Provincial Public Affairs Office kaugnay ng suspensyon ng mga klase sa lahat ng antas sa pribado at publikong eskuwelahan sa Bulacan.