DINALUPIHAN, Bataan — Nanawagan ng kooperasyon ang pamahalaang bayan ngayong nakarating na sa Dinalupihan ang African Swine Fever o ASF.
Ayon kay Mayor Maria Angela Garcia, nakumpirma ito matapos magpositibo ang ilang baboy sa apat na barangay.
Hinihingi ni Garcia ang kooperasyon ng publiko habang nakikipag-ugnayan pa siya sa pambansa at panlalawigang pamahalaan upang mabigyan ng aksyon ang pagkalat ng ASF sa kanilang lugar.
Sa kasalukuyan, sinusubaybayan ng Provincial Veterinary Office at Bureau of Animal Industry ang ibang lugar na maaring maapektuhan.
Ilang ASF tests na ang ginagawa sa iba pang mga bayan at lungsod ng Bataan upang maiwasan ang pagkalat nito.