LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE (PIA) — Naglaan ng 10 milyong piso ang Department of Health o DOH para sa itinatayong Super Health Center sa Towerville sa barangay Minuyan Proper, lungsod ng San Jose Del Monte.
Isa ito sa 14 na itinatayong Super Health Center sa buong lalawigan ng Bulacan.
Sa ginawang inspeksyon, tiniyak ni Senador Bong Go ang patuloy na pagbibigay ng teknikal na kasanayan ng DOH sa mga kawani ng pamahalaang lungsod na madedestino rito.
Layunin nito na matutunan kung paano angkop at epektibo na mapangangasiwaan ang naturang pasilidad.
Ito’y upang lubos na mapakinabangan ng mga karaniwang mamamayan na nangangailangan ng serbisyong medikal nang hindi na kailangang sumadya sa mga malalaking ospital.
Ang pondo na ginugol para sa Super Health Center ay mula sa pambansang badyet ng 2022.
Kasabay nitong napondohan at naitatayo ang mga Super Health Center sa Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Meycauayan, San Miguel at Pand.
Samantala, nilaanan sa pambansang badyet ng 2023 ang itatayong Super Health Center sa San Ildefonso, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Marilao, Obando at Angat.
Higit makikinabang sa proyekto ang mga mamamayan na karaniwang hindi nakakatamo ng mga serbisyong pangkalusugan dahil malayo sa mga pagamutan.
Bukod sa nakagisnan na isang health check-up facility, maari na ritong manganak, magpabunot ng ngipin at magpa-dialysis na may kumpletong kagamitan at siguradong health professionals na mag-aasikaso sa bawat pasyente.
Dinisenyo rin ang pasilidad na flexible sa iba’t ibang uri ng gamutan sa hinaharap na mga panahon.
Target buksan ang Super Health Center na ito sa kalagitnaan ng taon.
Kaugnay nito, tiniyak ni Mayor Arthur Robes na handa ang pamahalaang lungsod na pangasiwaan ang itinayong Super Health Center.
Ito’y upang mapangalagaan ang pasilidad at matiyak na pakikinabangan ng nasa halos isang milyong populasyon ng lungsod at ng maraming pang henerasyon. (CLJD/SFV-PIA 3).