PLARIDEL, Bulacan — Target ng Department of Health (DOH) na matapos ang konstruksiyon ng Plaridel Super Health Center (SHC) sa Disyembre 2023.
Sa ginawang inspeksiyon at topping-off ceremony na pinangunahan ni Senate Committee on Health and Demography Chairperson Bong Go, naiulat ng ahensiya na nasa 50 hanggang 60 porsyento na ang nagagawa sa istraktura na itinatayo sa barangay Sto. Niño.
Ayon kay DOH Central Luzon Center for Health and Development Chief Administrative Officer Fernando Guanzon, may halagang P12 milyon ang inilaan para sa proyekto sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program.
Sa loob ng nasabing halaga, P10 milyon ang ginugugol sa mismong isang palapag na istraktura na may laking mahigit 400 square meters ang floor area habang P2 milyon naman ang inilaan para sa mga kailangang kasangkapan at kagamitan.
Kinapapalooban ang Plaridel SHC ng inisyal na mga pasilidad para sa panganganak, minor surgical, dental, pharmacy, laboratory at ward.
Sinabi ni Mayor Jocell Vistan-Casaje na ang pasilidad ay itinatayo sa nasa dalawang ektarya na donasyong lupa ng isang real estate firm sa pamahalaang bayan.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Go na sadyang itinatayo ang mga SHC na may malalapad na espasyo o lote upang maari pang mapalaki ang pasilidad kung kakailanganin sa hinaharap.
Nakahanda rin aniya ang mga pundasyon nito upang mapatungan ng isa pang palapag sa itaas.
Sa oras na makumpleto ang konstruksiyon at kagamitan, isasalin na ng DOH ang kapangyarihan at pananagutan sa pamahalaang lokal upang mapamahalaan, mapangalagaan at mas mapabuti ang pasilidad na ito.
Bukod sa Plaridel, 14 na mga bayan at lungsod pa sa Bulacan na pinatayuan ng DOH ng mga SHC.
Kabilang dito ang San Ildefonso, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Angat, Marilao, Obando at Paombong na pinondohan ng pambansang badyet ng 2023.
Nakapagtayo na rin nito noong 2022 sa San Miguel, Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Pandi at sa San Jose Del Monte.