LUNGSOD NG MALOLOS — Binuksan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang Civil Registry System (CRS) outlet nito sa Vista Mall Malolos.
Dahil dito, posible nang makuha ng mga taga Bulacan sa loob ng kalahati hanggang isang araw ang ontentikadong kopya ng birth, death, at marriage certificate at maging ang certificate of no marriage o CENOMAR.
Ayon kay National Statistician at Civil Registrar General Claire Dennis Mapa, ito na ang pang-anim na CRS outlet sa Gitnang Luzon.
Naisakatuparan ang proyektong ito sa pamamagitan ng partnership ng PSA at Unisys, na isang pribadong information technology (IT) firm.
Pinondohan ng PSA ang konsepto, pagpapagawa ng 22 booth at iba pang kaugnay na pisikal na pasilidad habang binuo ng Unisys ang IT infrastructure para magkaroon ng mabilis, maaasahan at siguradong paglalabas ng birth, death, at marriage certificate at CENOMAR sa loob ng isang araw.
Ang Unisys din ang kumuha at magbabayad ng mga kwalipikadong manggagawa upang magpatakbo ng CRS Outlet sa ilalim ng pangangasiwa ng isang supervisor na kawani ng PSA.
Binigyang diin pa ni Mapa na hindi na kailangang lumuwas pa ang mga Bulakenyo sa PSA Central Office sa lungsod ng Quezon o sa Regional Office sa lungsod ng San Fernando upang makuha ang kailangang dokumento.
Samantala, sinabi ni PSA Regional Director Arlene Divino na ang pagbubukas ng CRS Outlet sa Bulacan ay magpapaluwag ng 60 porsyento ng dami ng iprinoprosesong dokumento sa Regional Office nito sa Pampanga.
Kayang makapagproseso ng hanggang sa 1,500 na mga dokumento kada araw ang naturang pasilidad. (CLJD/SFV-PIA 3)