Sumentro ang pagdiriwang ng Ika-124 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas, sa pagbibigay diin na dapat gawing ehemplo sa kasalukuyang pamamahala ang Saligang Batas ng 1899.
Iyan ang tinuran ni Kinatawan Danilo Domingo ng Unang Distrito ng Bulacan nang pangunahan niya ang idinaos na programang pang-alaala sa patio ng simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos, Bulacan.
Aniya, naitatag ang Unang Republika ng Pilipinas noong Enero 23, 1899 sa bisa ng Saligang Batas ng 1899 na ibinalangkas at pinagtibay ng Kongreso ng Malolos sa kanilang mga sesyon sa loob ng simbahang ito.
Pangunahin sa mga probisyon nito ang pagiging ganap na mamamayan ng mga Pilipino sa ilalim ng isang Republika. Kalakip nito ang pagbibigay ng iba’t ibang karapatang sibil gaya ng pagkakatamo ng edukasyon, pagkakaroon ng ari-arian, makapili ng relihiyon, makapagsabi ng saloobin at maiboto at makaboto.
Kaya naman makatwiran aniya na natitiyak ng mga inihalal ng bayan na natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng karaniwang mga mamamayan.
Halimbawa rito ang patuloy na paglalaan ng sapat na pondo para sa edukasyon, pabahay at pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda.
Tinalakay din ni Domingo na kinakailangan din na maisunod sa katangian ng Unang Republika na unicameral-parliamentary, ang kasalukuyang porma ng pamahalaan na isang bicameral-presidential.
Ito’y upang mas mapabilis pa aniya ang sistema sa mga biyurukrasya at institusyon sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan.
Naging pagkakataon din ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas sa pagbuhay sa isinusulong na maging isang lone district ang lungsod ng Malolos.
Layunin nito na mas mapalakas pa ang representasyon ng mga Malolenyo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na siyang pinagmulan naman ng Kongreso ng Malolos.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Gobernador Daniel Fernando sa mga bagong halal na opisyal ng pamahalaan maging sa nasyonal o lokal, na gampanan nang tama at buong husay ang tungkulin na sa kanila’y itinakda ng taongbayan.
Ito aniya ang tunay na diwa ng isang Republika kung saan ang mga mamamayan ay siyang nagbibigay ng kapangyarihan sa pamahalaan sa pamamagitan ng paghahalal ng mga mamamahala.
Samantala, sinabi ni Malolos City Mayor Christian Natividad na bagama’t isang regular working holiday ang Araw ng Unang Republika ng Pilipinas sa bisa ng Republic Act 11014, mas mainam aniya na gawin na itong regular non-working holiday dahil ito ang araw kung kailan ganap na naging isang bansa ang Pilipinas.
Wala na aniyang mas hihigit pa sa anumang makakasaysayang petsa na hihigit sa araw ng Unang Republika ng Pilipinas, dahil ito ang naging simulain upang matamo ang kalayaan, karapatan at kaginhawahan ng karaniwang Pilipino. (CLJD/SFV-PIA 3)