LUNGSOD NG CABANATUAN — Muling magdaraos ng research forum ang Department of Science and Technology Central Luzon Health Research and Development Consortium o DOST CLHRDC upang mailahad ang mga bagong pag-aaral sa kalusugan.
Sinabi ni Jean Guillasper, Chairperson ng CLHRDC-Research Utilization Information and Communication Committee, na hangad ng taunang research forum na maipaalam sa mga mamamayan ang mga bagong natuklasang pag-aaral ng mga mananaliksik sa rehiyon na makatutulong sa aspetong pangkalusugan lalo ngayong nananatili pa ang banta ng COVID-19.
Sa panahon ngayon aniya na madali na lamang makakuha ng impormasyon lalo na sa social media ay mahalaga ang mga pag-aaral na hango sa siyensiya at mayroong basehan.
Ang taunang aktibidad ay bukas para sa mga professional o student researchers na mayroong tatlong kategoryang maaaring salihan tulad ang Oral Research Presentation, Digital Poster Research Contest at 3-minute Pitch to Policymakers.
Pahayag ni Guillasper, sa ganitong pamamaraan ay maipapaalam sa mga mamamayan at kinauukulan ang resulta ng mga pag-aaral na maaaring i-adopt bilang ordinansa o programa sa mga lokalidad at institusyon.
Kabilang sa mga itinatampok na pag-aaral ay may kinalaman sa nutrition and food safety, maternal and child health, technology and innovations for health, sexuality and reproductive health, health services delivery and health workforce, financial risk protection, communicable disease, disaster risk reduction for health, diseases of urbanization and industrialization, health of an ageing population, health research governance, at indigenous people’s health.
Paglilinaw ni Guillasper, ang lahat ng mga pananaliksik ay sinisigurong dumaan sa tamang proseso mula sa pagkuha ng mga kaukulang permiso sa komunidad o partikular na tanggapan bilang pagkilala sa karapatan at iba’t ibang kultura ng mga respondents.
Ilan sa mga bagong likha ng mga mananaliksik sa rehiyon ay ang COVID-19 testing kit ng Angeles University Foundation gayundin ang patuloy na pag-aaral sa mga medicinal plants na ginagamit at matatagpuan sa mga Indigenous Communities.
Nakatakdang idaos ang nasabing research forum ngayong Abril o Mayo samantalang nakasalalay sa ipatutupad na alert level system kung ang aktibidad ay gaganapin ng face to face o virtual.