DOT-DPWH Convergence projects sa Bulacan, nakumpleto na

Nakumpleto na ang apat na proyektong kalsada sa Bulacan sa ilalim ng Tourism Road Infrastructure Program.

Ito ay sa ilalim ng convergence program ng Department of Tourism at Department of Public Works and Highways.

Ayon kay Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz, nasa 60 milyong piso ang inilaan para sa mga naturang imprastraktura. 

Kabilang dito ang rehabilitasyon ng road access patungo sa kweba ng Bulusukan sa San Ildefonso na nagkakahalaga ng 20 milyong piso.

Pinasemento na rin ang nawawalang karugtong ng Camias-Sibul Road sa San Miguel papunta sa kweba at ilog ng Madlum na isang bahagi ng Biak na Bato National Park.

May halagang 20 milyong piso ang inilaan dito upang maging maginhawa ang pagbiyahe ng mga turistang sumasadya pa rito para maligo sa kulay asul na ilog ng Madlum.

Bukod sa paggalugad sa kweba nito, maaari ring magsagawa sa Madlum ng iba’t ibang tourism activities gaya ng zip line at bamboo raft ride.

Pwede ring gumamit ng mga bahay kubo na gawa ng mga katutubong Dumagat.

Sa Bustos, kinumpuni na ang kalsadang patungo sa Daily Bread Organic Farm na nasa barangay Bonga Menor sa halagang 10 milyong piso.

Isa itong Farm Tourism Destination sa Bulacan na kilalang resort na napapalibutan ng mga katutubong tanim gaya ng herbal and botanical plants, mushrooms at mga green houses na kinapapalooban ng mga pinapalaking high value commercial crops.

At sa Calumpit, inayos ang kalsada patungo sa Dambana ng Meyto na nilaanan ng 10 milyong piso. 

Sa lugar na ito pinaniniwalaan na unang dumaong sa Bulacan noong 1572 ang mga paring Kastila upang magpalaganap ng Katolisismo.

Makikita sa dambanang ito ang Krus na pinagtulusan ng orihinal na Krus noong 1572 kung saan ginanap ang Unang Misang Katoliko sa Gitnang Luzon. 

Naging ruta rin ng Kalakalang Galyon sa Pilipinas ang katabi nitong ilog Calumpit. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews