DRRM Fund, Calamity Fund inilaan ng Bulacan vs COVID-19

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Naghanda ng standby fund ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang maproteksyunan ang mga Bulakenyo laban sa sakit na coronavirus disease o COVID-19. 

Ito’y matapos aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang lokal na deklarasyon ni Gobernador Daniel R. Fernando na State of Calamity. 

Layunin nito na legal na magasta ang bahagi ng Calamity Fund. Nauna nang naaprubahan ng Sanggunian ang 2020 Provincial Budget ng Bulacan kung saan nakalakip dito ang Disaster Risk Reduction and Management o DRRM Fund.

Binigyang diin ng Gobernador na hindi uubusin ng Kapitolyo ang nasabing mga pondo para lamang sa mga paggasta kaugnay ng pagsugpo sa COVID-19. 

Gagastusin lamang aniya ito sang-ayon sa mga natukoy na prayoridad. Sa taong ito, humigit kumulang na nasa 20 milyong piso ang DRRM Fund ng Kapitolyo habang nasa 60 milyong piso naman ang Calamity Fund ayon kay Fernando. 

Kabilang sa mga tinukoy na prayoridad na gastusan ng standby fund ay ang tulong para sa suplay ng pagkain ng may 81 libong pamilyang Bulakenyo na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at ang mga nasa Listahanan ng Department of Social Welfare and Development.

Nakatakda ring bumili ang Kapitolyo ng karagdagang mga Personal Protective Equipment o PPEs para sa mga kawani ng mga ospital na pinapangasiwaan ng Kapitolyo, partikular na ang mga nasa frontlines.

Ayon kay Bulacan Medical Center head David Rawland Domingo, bawat araw ay gumagamit sila ng 55 na PPEs at may 29 na standby habang 125 na piraso ng N-95 masks ang nauubos araw-araw. 

Ginagamit aniya ito ng mga nasa frontliners ng ospital nakadestino sa mga itinakdang Triage Area, Isolation Facility, Emergency Room at ng mga kasapi ng COVID-19 Crisis Committee ng Kapitolyo. 

Ang mga kasapi naman ng komite ay siyang sumusundo sa mga napapaulat na may sintomas ng COVID-19 na nasa mga barangay.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews