Pinangunahan ni Secretary Erwin Tulfo ang pagdaraos ng Consultation Dialogue at Caravan of Services ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa lalawigan ng Pampanga.
Nakipagpulong si Tulfo sa ilang lokal na opisyal kabilang na sina Governor Dennis Pineda, Vice Governor Lilia Pineda, Mabalacat City Mayor Crisostomo Garbo, at Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr., at maging sa mga pinuno ng mga katutubo.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng kalihim na tunay na pribilehiyong matatawag na maging kinatawan ng pambansang pamahalaan upang makipagdayalogo sa mga katutubo at makapaghatid ng serbisyo na maaring pagsimulan sa pag-unlad.
Aniya, ang kanyang pagbisita ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilapit ang gobyerno sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Giit niya, mahalaga ang sektor ng katutubo upang maitaguyod ang kabuuang pag-unlad ng bansa.
Sa naturang mga aktibidad ay pinangunahan ng kalihim ang paggawad ng tig-10,000 pisong ayuda sa humigit kumulang 250 na katutubong Ayta sa Mabalacat at 250 na Ayta at Sama Badjao sa Angeles.
Sa isang pahayag, tiniyak ni DSWD Regional Director Jonathan Dirain na ang ahensya ay nakatuon sa pangmatagalan na mga proyekto para sa mga katutubo sa Gitnang Luzon. (CLJD-PIA 3)