DTI, binuksan ang ika-12 Negosyo Center sa Pampanga

FLORIDABLANCA, Pampanga — Binuksan kamakailan ng Department of Trade and Industry o DTI ang ika-12 nitong Negosyo Center na matatagpuan sa bayan ng Floridablanca.

Ayon kay DTI Pampanga OIC-Provincial Director Elenita Ordonio, kabilang sa mga iaalok nitong serbisyo ang general business advisory, capability development, at business information and advocacy.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin naman ni DTI Regional Director Judith Angeles ang halaga ng pagkakaroon ng nakahandang trade and industry plan at sinabing positibo siya sa takbo ng negosyo sa Floridablanca dahil sa mga lumalago nitong industriya tulad ng aluminium ware at sampaguita.

Samantala, nangako naman si Pampanga Small and Medium Enterprises Development Council Chair Teresa Carlos na susuportahan ng konseho ang mga hakbangin ng pamahalaan upang mapahusay ang paghahanapbuhay sa pamamagitan ng mga aktibidad ng micro and small enterprises.

Ito na ang pang-69 na Negosyo Center sa Gitnang Luzon.

Sa Pampanga, matatagpuan ang iba pang kahalintulad na pasalidad sa mga lungsod ng San Fernando, Angeles, at Mabalacat at maging sa mga bayan ng San Simon, Sto. Tomas, Minalin, Lubao, Mexico at Magalang. (CLJD/MJLS-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews