LUNGSOD NG MALOLOS — Nagbigay ng ayuda ang Department of Trade and Industry o DTI sa ilang kapulisan sa Bulacan na Wounded in Action o WIA at maging ang pamilya ng mga Killed in Action o KIA.
Kabilang sa tumanggap ng tig-25,000 piso halaga ng rice store starter kit ang mga WIA na sina P/Lt. Jerico Redon, Patrolman Nelson Mendoza at Patrolman Christopher I van Cruz at pamilya ng mga KIA na sina Patrolman Mark Mendoza at Patrolman Jhord Angelus Pinto.
Ayon kay DTI Bulacan Director-In-Charge Ernani Dionisio, ang nasabing proyekto ay nakapaloob sa Comprehensive Social Benefits Program na naglalayon mabigyan ng tulong ang mga kagawad ng pulis at kasundaluhan na namatay o nasugatan sa isang police o military operations.
Nais din anyang makilala ang kabayanihan ng mga ito gayundin mapataas ang moral ng kani-kanilang pamilya.
Bago ang pamamahagi, ang mga benepisaryo ay sumailalim muna sa assessment at pagsasanay upang ihanda at mapabuti ang kanilang kakayahang maging isang entrepreneur.