LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsasagawa ng Fiesta-Eskwela Hybrid Diskwento Caravan ang Department of Trade and Industry o DTI sa Baliuag, Bulacan.
Katuwang ang pamahalaang bayan at mga bookstore, alok dito ang mga murang paninda na mga gamit pang-eskwela.
Ayon kay DTI Provincial Director Edna Dizon, tinawag na “hybrid diskwento” dahil may “on-site” at “in-store” ang ginaganap na caravan na tatagal hanggang Biyernes, ika-27 ng Mayo.
Ang “in-store” caravan ay sinasalihan ng may 32 branch ng Pandayan Bookshop, Expression at National Bookstore na nakakalat sa buong lalawigan kung saan mabibili ang mga murang gamit pang-eskwela.
Sa on-site caravan na nagyayari sa Heroes Park ng Baliuag, 23 exhibitors ang nagtitinda ng kanilang produkto sa murang halaga gaya ng school supplies, processed food at mga household linen.
Maaari rin makapamili ang mga Bulakenyo sa on-site caravan sa pamamagitan ng “order online” sa tulong ng Ride Eat app. (CLJD/VFC-PIA 3)