DTI NE, tutulong sa mga MSMEs na naapektuhan ng bagyong Karding

Tutulong ang Department of Trade and Industry o DTI sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs na naapektuhan ng bagyong Karding sa Nueva Ecija.

Ayon kay DTI Provincial Director Richard Simangan, patuloy ang pagbibigay ng mga counseling, livelihood starter kit, training, at iba pang programa ng ahensiya na maaaring makatulong sa mga MSMEs na naapektuhan ng nagdaang kalamidad.

Patuloy aniyang maghahanap ng solusyon ang tanggapan upang makatulong sa mga apektadong negosyo sa lalawigan at sa paghahatid ng serbisyong higit pa sa kanilang inaasahan. 

Sa inisyal na datos ng DTI Nueva Ecija ay nasa 24 na MSMEs ang nasiraan ng pasilidad, ari-arian at produksiyon, katumbas ang tinatayang halaga na tatlong milyong piso. 

Mayroon ding mga MSME na naapektuhan dahil sa nasirang mga pamilihang bayan at pagkawala ng kuryente noong kasagsagan ng bagyo. 

Binigyang diin din ni Simangan na ang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa program ng DTI ay inilalaan talaga sa mga MSMEs na naapektukan ng kalamidad, sakuna at pandemiya upang makatulong na makabawi sa hanapbuhay. 

Nariyan din ang Small Business Corporation bilang financing arm ng ahensiya para sa mga nangangailangan ng pondo sa muling pagbangon sa negosyo. 

Pahayag ni Simangan, walang dapat na ikabahala ang mga MSMEs sa lalawigan dahil laging naka-alalay at asahang tutugon ang ahensiya sa tulong ng mga business counselors sa mga Negosyo Centers na matatagpuan sa lahat ng mga bayan at siyudad. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews