LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang Department of Trade and Industry o DTI Nueva Ecija para sa pagpapahiram ng puhunan sa mga Micro Small and Medium Enterprises o MSME.
Ayon kay DTI Nueva Ecija Business Development Division Chief Richard Simangan, ito ay sakop ng programang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso – Enterprise Rehabilitation Financing o P3-ERF na sakop ng Social Amelioration Program ng pamahalaang nasyonal.
Sa naturang programa aniya ay maaaring makahiram ang mga MSMEs ng halagang 200,000 hanggang 500,000 piso na mayroon lamang 0.5 porsyentong interes kada buwan na may grace period na lima hanggang anim na buwan.
Maaaring magpasa ng aplikasyon online na aagapayanan ng tanggapan at 22 Negosyo Center sa lalawigan.
Pahayag ni Simangan, nasa 26 na aplikasyon na ang natanggap ng opisina noon pang Abril 22 na kung pagsasama-samahin ay may kabuuang halaga na 4.08-milyong pisong loan.
Ito aniya ay kanilang ipinasa sa Small Business Corporation na magsusuri naman ng mga ipinasang dokumento at tatawag sa bawat aplikante para sa validation.
Kaniyang paglilinaw, ang proseso at pamamahagi ng pondo ay nakatakdang isagawa matapos ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Samantala, tumulong din ang tanggapan upang makahiram ng pondo ang mga MSMEs sa lalawigan na gumagawa ng Personal Protective Equipment tulad ng Almira’s Beadwork, Xander’s Pots and Designs at LJRM Enterprise.
Kaugnay nito ay nagpaabot din ng ayudang 50,400 piso ang DTI- Nueva Ecija sa pamamagitan ng Shared Service Facility project sa Ako ang Saklay Inc. na inilaan sa pagbili ng mga materyales sa paggawa ng face masks na layong makatulong sa mga frontline workers sa Nueva Ecija.
Pahayag ni Simangan, asahan ang patuloy na agapay ng ahensiya sa mga MSMEs sa lalawigan lalo sa oras na matapos ang krisis dulot ng coronavirus disease.