DTI, patuloy sa pamamahagi ng livelihood starter kits sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN — Humigit kumulang 700 libong pisong halaga na ng mga livelihood starter kits ang naipamahagi ng Department of Trade and Industry o DTI sa Nueva Ecija.

Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director Brigida Pili, kabilang ito sa mga naging gampanin ng tanggapan mula Enero hanggang Marso lamang nang kasalukuyang taon mula sa mga programang Negosyo Serbisyo sa Barangay o NSB at Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG.

Nasa 12 NSB na ang nailunsad sa buong lalawigan na kung saan 64 micro enterprises ang nabigyan ng livelihood starter kits na may kabuuang halaga na 480 libong piso.

Kabilang sa mga napiling negosyo ng mga benepisyaryo ng NSB ay ang pagkakaroon ng rolling store, sari-sari store, street food store, eatery, pagbebenta ng mga kasangkapan sa kusina, paggawa ng mga bag, garments, frozen products at mga kakanin. 

Mayroon ding pumili ng mga kagamitan sa pagtatahi, paggawa ng mga food packaging, tsinelas, damit, gayundin ang pagtitinda ng mga halaman at mga gulay. 

Ang bawat isang livelihood starter kit ay nagkakahalaga ng 7,500 piso na ayuda para sa mga nagnanais magsimula o pandagdag sa kasalukuyang pagnenegosyo. 

Maliban sa programang NSB ay nagpapamahagi din ng livelihood starter kit ang tanggapan mula naman sa PPG na ang layunin ay umagapay sa mga negosyante o trabahador na ang ikiinabubuhay ay nasalanta ng kalamidad o matinding naapektuhan ng pandemyang COVID-19.

Mula Enero nito lamang 2021 ay kasamang natulungan ng programang PPG ang anim na micro, small and medium enterprises mula sa bayan ng Gabaldon na ang ikinabubuhay ay nasalanta ng bagyong Ulysses na tumama sa lalawigan.

Sila ay nakatanggap ng bigasan package na kinapapalooban ng tig-pitong sako na mga bigas na kung saan ang kabuuan ay nagkakahalagang 44,100 piso.  

Bigasan package din ang pinili ng 35 micro, small and medium enterprises mula sa sitio Minalungao sa bayan ng General Tinio na ang mga hanapbuhay na nakaasa sa turismo ay naapektuhan dahil sa pandemya.

Ang bawat isa sa 35 benepisyaryo ay nakatanggap ng tig-walong sako ng bigas na nagkakahalagang 7,200 piso. 

Tatlong displaced workers o employees din mula sa mga bayan ng Peñaranda at Bongabon ang nakatanggap livelihood starter kit mula sa PPG na bigasan package. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews