LUNGSOD NG TARLAC — Inilunsad kamakailan ng Department of Trade and Industry o DTI Tarlac ang tatlong Consumer Corner sa mga lokal na pamilihan ng siyudad partikular sa My Metrotown Mall, Citywalk at Sector 7.
Ayon kay DTI Provincial Director Agnes B. Ramirez, layunin ng consumer corner na patatagin at isulong ang kapakanan at proteksyon sa mga konsyumer sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga Information Education and Communication o IEC materials.
Aniya, kabilang sa kanilang mga IEC materials ay mga poster, tarpaulin at brochure na tumatalakay sa Consumer Rights, Exact Change, Product Certification and Standards, Consumer Vigilance, Philippine Standards and Import Commodity Clearance marks, Consumer Complaints at iba pa.
Bukod sa pagbabantay ng suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin, iginiit ni Ramirez na regular ding bibisita ang DTI Tarlac sa mga pangunahing pamilihan at establisyemento upang mapalakas at madagdagan ang kaalaman ng kanilang mga empleyado sa karapatan ng mga mamimili at responsibilidad ng mga nagbebenta.
Paalala ni Ramirez, para sa mga reklamo o katanungan, maaaring tumawag sa Consumer Hotline sa 1-384 o magpadala ng mensahe sa DTI social media account gamit ang @DTI Consumer Care.