Pumirma ng Memorandum of Understanding ang Department of Trade and Industry (DTI) sa iba’t ibang stakeholder para sa Bamboo Industry Development Project sa Candelaria, Zambales.
Kabilang na riyan ang Pinagrealan Lauis Upland Farmers Association at San Miguel Global Power Corporation.
Ayon kay DTI Provincial Director Enrique Tacbad, ito ay isang proyekto ng Zambales Bamboo Industry Development Council upang makapaghandog ng hanapbuhay at mga produkto na gawa sa kawayan sa lalawigan.
Ang P4.6-milyon proyekto ay binubuo ng bamboo processing facility, bamboo nursery and propagation, bamboo eco-tourism at bamboo learning site sa barangay Pinagrealan.
Ang kawayan ay isa sa priority industry ng DTI na tinatawag ring green gold at idineklara ng Department of Agriculture bilang high value crop.
Dagdag pa ni Tacbad, ang kawayan ay napakagandang itanim upang masolusyunan ang mga suliranin sa climate change at ito ay pwedeng gawing pangkabuhayan ng mga mamamayan.
Sisimulan ang pagtatayo ng pasilidad sa unang quarter ng 2024 kasabay ang pagbibigay ng mga kasanayan sa pagkakawayan. (CLJD/RGP-PIA 3)