CONCEPCION, Tarlac — Pinangunahan kahapon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang groundbreaking ceremony ng Casa San Miguel sa barangay San Agustin.
Ito ay mayroong 1,000 Duplex Type Housing Units na para sa mga kasundaluhan at kapulisan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Duterte na patuloy ang kanyang suporta sa mga kasundaluhan at kapulisan kaya wala umano dapat silang alalahanin basta patuloy lamang sila sa paglilingkod ng tapat sa bayan.
Ayon kay National Housing Authority o NHA General Manager Marcelino Escalada Jr., humigit kumulang 15.87 na ektarya ang kabuuang sukat ng proyekto.
Ang bawat yunit ay may floor area na 60 square meters at ang bawat lote ay may sukat na 80 square meters.
950 libong piso ang halaga ng bawat isang yunit at may buwanang amortisasyon na 5,700 piso.
Kapag natapos ang gagawing pabahay sa Disyembre 2019, alinsunod sa utos ni Duterte, agad na matitirahan ito ng mga benepisyaryo.
Bukod sa mga housing units, magtatayo rin ang NHA ng community facilities tulad ng multi-purpose covered court at school building na mayroong 15 na klasrum.
May mga kahalintulad na proyekto sa Woods Towne sa lungsod ng San Fernando sa La Union; Lantaw Homes sa Tugbok, lungsod ng Davao; Vista Alegre sa lungsod ng Bacolod; Loakan Heights sa lungsod ng Baguio; Christine Villas sa Barangay Upper Hinaplanon, sa lungsod ng Iligan; Ciudad de Dahican sa lungsod ng Mati; at Cabaluay Place sa lungsod ng Zamboanga.