LUNGSOD NG MALOLOS- Pinasinayaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pitong gusaling pampaaralan na may 140 silid-aralan sa dalawang bayan sa lalawigan ng Bulacan nitong Huwebes ng hapon.
Personal na dinaluhan ng Pangulo ang inagurasyon ng dalawang yunit ng apat na palapag na may 24 silid-aralan at isang yunit ng apat na palapag na may 12 silid-aralan na bagong gusaling pamparaalan sa Gen.Gregorio Del Pilar Integrated School sa Sta. Ana, Bulakan, Bulacan; habang birtwal na pinangunahan sa pamamagitan ng livestreaming ang paghahawi ng pananda ng apat na yunit ng apat na palapag na may 20 silid-aralan na gusaling pampaaralan sa Virginia Ramirez-Cruz High School sa Siling Bata, Pandi, Bulacan.
Magkasabay na isinagawa ang unveiling ceremony ng mga markers ng dalawang paaralan kung saan si Pangulong Duterte kasama ang kaniyang common-law wife na si Cielito “Honeylet” Avancena at sina Senator Bong Go, Secretary Mark Villar, Gobernador Daniel Fernando, Mayor Vergel Meneses at Department of Education-Central Luzon Regional Director May Eclar ang nanguna sa paaralan sa bayan ng Bulakan.
Sina Mayor Enrico Roque at Teresita Alquiza, Public School District Director naman ang nanguna sa seremonya sa nasabing paaralan sa bayan ng Pandi sa pamamagitan ng live streaming.
Siniguro ni Duterte sa mga Bulakenyo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang mapabilis ang COVID-19 Vaccination Program at masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral bago ang pagbabalik ng harapang klase.
“I truly appreciate the patience and understanding of the learners, the parents and teachers in your locality. We are hopeful that these newly-built classrooms will provide a more conducive learning environment even as we cope with the new normal,” anang Pangulo.Pinasalamatan ni Gobernador Daniel Fernando si Pangulong Duterte para sa kanyang mapanagutang liderato na naging gabay ng mga lokal na opisyal sa paglaban sa pandemya at sa mga suliranin na kaakibat nito.
“Ang mahalagang araw na ito ng pagbubukas ng minamahal nating paaralan ay may hatid na mensahe ng pag-asa para sa ating lahat. Ito ay patunay na narito ang ating pamahalaan, handang manguna at makaagapay natin,” anang gobernador.