PERSONAL na binisita ni Bulacan Vice Governor Alex Castro ang isang 46-anyos na Bulakenyo at jeepney driver na dinapuan ng pambihirang karamdaman na ‘Dystonia’ matapos makarating sa tanggapan nito ang kahilingan ng pasyente na siya ay tulungan sa kaniyang pangangailangan.
Hiling ni Arnold Gatdula, 46, may-asawa, residente ng Rosaville, Barangay Sta. Cruz, Guiguinto, Bulacan na mapalitan na ang kaniyang wheelchair na siya nitong gabay sa paglalakad at kaunting finncial support para naman sa pangangailangan nitong medikal.
Sa pamamagitan ng mga nagmamalasakit, nakarating ang kahilingan ni Arnold kay Bise Gob. Alex Castro na agad naman tumugon sa panawagan at kaagad na binisita ito sa kaniyang tahanan nitong Biyernes (Marso 17, 2023).
Laking tuwa at pasasalamat ni Arnold nang mismong si Castro ang naghatid ng wheelchair at personal na iniabot ang karagdagang tulong pinansyal.
Ayon kay Castro, matagal na niyang hinahanap si Arnold upang matulungan matapos mapanood sa isang vlog sa youtube at laking pasalamat niya sa mga kaibigang media na tumulong upang matagpuan niya ang tirahan nito.
“Ang akin pong tanggapan ay patuloy at hindi tumitigil sa pagtulong sa mga katulad ni Arnold, kaya naman agad natin siyang pinuntahan at tinugunan ang kaniyang mga kahilingan,” wika ni Castro.
Ang sakit na dystonia ay ang hindi makontrol na paggalaw ng ibat ibang bahagi ng katawan na may tatlong bagay tulad ng focal dystonia o paggalaw ng isang bahagi ng katawan.
Segmental dystonia naman kapag dalawang bahagi ng katawan ang kusang gumagalaw at General Dystonia naman ang tumama kay Arnold na kung saan ang buong katawan ang kusang gumagalaw at hindi ito kayang kontrolin.
Isa sa mga hindi makontrol na muscles ni Arnold ay ang pagbuka ng kaniyang panga na halos buong araw siyang naka-nganga.
Kuwento ni Arnold, edad 39 nang makaramdam na siya ng pagbabago sa kaniyang pagkilos at nang lumaon ay tuluyan na siyang nilamon ng kaniyang sakit.
Mula noon ay hindi na siya nakapagtrabaho at ang masaklap pang nangyari sa kaniya ay ang unti-unting paglayo ng kaniyang mga mahal sa buhay at mga kaibigan.