ABUCAY, Bataan — Kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan nitong Martes, Nobyembre 26, ay ang pagpapasinaya ni former Provincial Board Member Dexter “TERI ONOR” Dominguez sa isang two-storey, 12-classroom at isa pang two storey 10 classroom school buildings sa Bonifacio Camacho National High School (Extension) Kabukiran, Calaylayan, Abucay, Bataan.
Ayon kay Bokal Teri, na ngayon ay Provincial Consultant ng Pamahaalaang Panlalawigan ng Bataan at project proponent, ang mganabanggit na gusali ay earthquake at typhoon proof, PWD-friendly, may sariling tangke at source ng tubig sa magkabilang dulo ng gusali, malinis na palikuran at electric generators.
Dumalo rin sina Vice Governor Cris Garcia, Atty. Tonyboy Roman (kumatawan kay Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman), Dr. Myrna Castillo, principal ng BCNHS, faculty staff, mga guro, Barangay Calaylayan village chief Priscilla Cordova at mga estudyante.
Ang pagbabakod naman sa naturang paaralan ay pinondohan ni Bataan Governor Abet Garcia.
Pinuri ni Vice Gov. Garcia ang kalidad ng proyekto na aniya ay napakahalaga sa panahon ngayon na madalas ang paglindol.
Nanawagan naman si Atty. Roman sa mga estudyante na suklian ang mga bagong pasilidad ng pagsisikap sa kanilang pag-aaral at sa mga guro na magsabi lamang aniya ng lahat ng mga ideya para magawan ng karampatang panukalang batas ni Congresswoman Roman para sa ikatataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Ang naturang proyekto na nagkakahalaga ng P30 milyon ay isa lamang sa mga proyekto ni Dominguez sa ibat’ ibang bayan sa Bataan kabilang na ang ilang kahalintulad na proyekto sa Ikalawang Distrito ng Bataan.