‘Eco-Friendly’ Pavilion, ipinatayo ng isang koop sa Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS – Pinasinayaan na ang isang eco-friendly na pavilion na ipinatayo ng San Pablo Multipurpose Cooperative.

Paliwanag ni Ed Camua, board member ng naturang kooperatiba, makikita sa disenyo ng arkitektura nito na kung gaganapin sa araw ang piging ay mayroon itong malalaking binatana kaya’t nakakapasok ang sinag ng araw na nagbibigay ng natural na liwanag. 

Kapag gabi naman gaganapin ang piging, maliwanag pa rin ang loob dahil sa mga ikinabit na light-emitting diode na mga bumbilya. 

May halagang 15 milyong piso ang ipinuhunan dito ng San Pablo Multipurpose Cooperative na ang istraktura ay kayang maglulan ng hanggang 400 katao. 

Kaugnay nito, ikinagalak ng Cooperative Development Authority o CDA ang pagkakaroon ng pinakabago at eco-friendly na pavilion sa lungsod na maaring pagganapan ng mga malakihang okasyon gaya ng kaarawan, kasal, binyag at anumang pagtitipon.

Ayon kay CDA Provincial Head Eufrocina Yu, ang pagpapatayo at pagbubukas ng pavilion ay isa na namang simbulo na nasa Bulacan ang mga pinakamatatatag at pinakamagagaling na kooperatiba sa Pilipinas. 

Matatandaan na noong ginanap na Central Luzon Regional Cooperative Congress, kabilang sa ipinasang resolusyon ng mga delegado ang pagsusulong na makapagpasa ng isang batas ang Kongreso ng Pilipinas na nagdedeklara sa Bulacan bilang cooperative capital ng bansa. 

Kabilang ang San Pablo Multipurpose Cooperative sa mahabang listahan ng mga kooperatiba sa Bulacan na nasa Hall of Fame.

Mayroon itong 1,800 na mga kasapi na pawang mga magsasaka at mga tricycle driver. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews