Sinimulan na ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan ang pagsasanay ng mga trainor para sa EduChild Parenting Program.
Isa itong programang pang edukasyon na may hangaring maturuan hindi lamang ang mga mag-aaral kundi maging ang mga magulang upang maging mas epektibo sa paggabay sa kanilang mga anak.
Sa ginanap na National School Opening Day Program na idinaos sa Dinalupihan Elementary School, ibinalita ni Governor Jose Enrique Garcia III kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ilulunsad ang programa sa lahat ng pampublikong paaralan at day care center sa probinsya.
Aniya sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga magulang na madagdagan ang kanilang kaalaman kabilang na ang mga paalala upang makabangon sa mga pagsubok sa kabila ng epekto ng pandemya sa COVID-19.
Dagdag pa niya, inaasahang magiging susi ang programa sa pagganda ng pakikilahok at pagganap ng mga mag-aaral sa kani-kaniyang paaralan.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Garcia ang iba’t ibang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga naging paghahanda para sa muling pagbubukas ng mga paaralan at mga aasahan pang programa ng mga kabataan.
Ayon sa kanya, isinagawa ang inspeksyon sa mga eskwelahan upang masiguro ang maayos na bentilasyon at pagkakaayos ng mga upuan para sa patuloy na physical distancing sa loob ng silid-aralan.
Iba pa rito ang mga ipinamahaging face mask, alcohol, mga kailangan para sa hand washing, isolation, at triage areas.
Pagpapahayag pa ni Garcia, lubos na mahalaga ang bakuna sa paglaban sa sakit na COVID-19 kaya naman sinabayan nila ang programang Pinaslakas ng Department of Health nang kanilang Bakunahan Bayanihan sa Barangay.
Giit niya tuluy-tuloy ang pagbabakuna sa lahat ng vaccination sites sa bawat bayan at lungsod ng probinsya at sinabayan pa ito ng pagbibigay papremyo sa mga nabakunahan upang makaengganyo ng mga mamamayan.
Grand Raffle naman ang inihanda para sa mga Bataeño na tatanggap ng booster shot bilang tugon sa mababang booster rate.
Sinabi niya, pinaiigiting ang pagbabakuna nang sa gayon sa darating na Nobyembre mas magiging handa na ang mga mag-aaral sa full face-to-face classes.
Samantala, naglaan din ang Provincial School Board ng school supplies para sa lahat ng mga mag-aaral na ipamimigay sa mga darating na linggo.
Napili rin ang bayan ng Dinalupihan sa pilot testing ng programang Fiber to Home for Education Internet kung saan ang bawat pamilya na may nag-aaral sa senior high school ay mabibigyan nito na magagamit sa kanilang online learning.
Ani Garcia, senior high school ang mga napili sapagkat sila rin ang nabigyan ng mga tablet na kasalukuyang gumagamit ng Learning Management System.
Katuwang ng kapitolyo sa programang ito ang mga telecommunication providers.