Election protest ng mayoral candidate sa Angat, Bulacan ibinasura ng korte, naghain ng MR

Dumagsa ang mga supporters ng natalong mayoral candidate na si Lamberto De Leon ng bayan ng Angat, Bulacan upang suportahan ang paghahain nito ng Motion for Reconsideration (MR) noong Lunes (June 2) matapos ibasura ng Malolos Regional Trial Court (RTC) Branch 78 ang kanilang isinampang election protest laban sa re-elected Mayor Reynante Bautista. Kuha ni: ELOISA SILVERIO

NAGHAIN ng Motion for Reconsideration (MR) sa Malolos Regional Trial Court (RTC) ang panig ng natalong mayoral candidate sa Angat, Bulacan matapos ibasura ng korte ang naunang election protest nito.

Kasabay ng paghahain ng MR noong June 2 ay dumagsa sa harap ng Malolos Regional Trial Court (RTC) ang mga dismayadong supporters ng natalong kandidato na si Lamberto De Leon bitbit ang mga placards na humihiling ng recount sa naganap na Elections 2025.

Si De Leon ay tinalo ni re-elected Reynante Bautista at lumamang lamang ng 259 votes.

Una nang naghain ng election protest ang kampo ni De Leon noong May 22, 2025 at ni-raffle ang petisyon at bumagsak sa sala ni Judge Golda Salamat ng Branch 78, Malolos RTC noong May 26.

Kinabukasan May 27 ay ibinasura ni Judge Salamat ang nasabing petisyon “for insufficiency in form and content”.

Binasehan ng korte ay ang bigong matugunan ng nagpoprotesta ang ilan sa mga tuntunin gaya ng hindi dapat bababa sa 20% ang presinto na ipinoprotesta at detalyadong aksyon na nagpapakita ng pagkakaroon ng pandaraya sa mga nasabing presinto.

Hindi naman sang-ayon dito ang abogado ng kampo ni De Leon na si Atty. Reinante Lazaro kung saan sinabi nito na out of 54 precincts mayroon sa bayan ng Angat ay 22 precincts ang kanilang ipinresinta sa kanilang protesta na malinaw na mahigit sa 20% sa required ng korte.

Kaugnay naman ng second grounds ng korte, sinabi ni Lazaro na naipaliwanag ng sapat sa kanilang petisyon at MR ang pagtukoy sa ‘acts of fraud’ kasama ang salaysay ng mga witnesses.

Nagpahayag rin ng pagkadismaya ang dumagsang supporters ni De Leon sa Malolos RTC kung saan nagtataka ang mga ito sa mabilis na desisyon ng korte na sa loob ng 24-oras ay ibasura ang inihaing protesta.

Paniwala ng mga ito na si De Leon ang tunay na nanalo bilang alkalde sa bayan ng Angat.

Nabatid na nakakuha ng 18,892 boto si Bautista habang 18,633 boto naman kay De Leon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *