EMB-DENR naghain ng violations laban sa Hermosa landfill operator

HERMOSA, Bataan – Matapos isyuhan ng notice of violation ng Hermosa LGU ang kumpanyang nag-ooperate ng Hermosa Sanitary Landfill Facility sa Barangay Mambog kamakailan ay panibagong NOV ang muling inihain laban sa Econest Waste Management Corporation mula naman sa Environmental Management Bureau o EMB- DENR.

Base sa mga dokumentong nakalap ng iOrbitNews, sa naging findings ng EMB-DENR, ang Econest WMC ay napag-alamang nag ooperate umano ng walang valid Discharge Permit and Hazardous Waste Generator Registration Certificate.

Bukod dito nakasaad sa dokumento ng EMB mula kay Regional Director Wilson Trajeco, na ang ilan sa kanilang treatment units ng Leachate Treatment Facilities ay wala umanong protective lining na maaaring magkontamina sa underground water ng bayan ng Hermosa dahil umano sa katas ng basura na tumatagas at nasisipsip ng lupa sa naturang lugar. 

Kaugnay nito ay binigyan ng sampung araw ang Econest WMC para sagutin in writing ang mga natagpuang paglabag na may multang mula P10,000 hanggang P50,000 sa bawat paglabag nito sa nakasaad sa kanilang Environmental Compliance Certificate o ECC, paglabag sa Philippine Environmental Impact Statement System (PD 1586); at P10,000 to P200,000 para sa bawat araw na paglabag o violations ng Philippine Clean Water Act of 2004 o Republic Act 9275.

Nauna rito ay nagreklamo rin si Hermosa Mayor Jopet Inton dahil sa hindi umano pagtupad ng management ng Econest WMC sa kanilang PPP Agreement kung saan may bahagi o share dapat ang Hermosa LGU sa magiging kita nito sa pag-ooperate at pagtanggap ng mga basura ng ibang mga LGUs sa loob at labas ng Bataan at mga private companies mula sa Freeport Area of Bataan at Subic Bay Freeport Zone.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng opisyal na pahayag sa media ang naturang kumpanya.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews