Emergency Subsidy ng 4Ps na walang ATM, sinimulan nang ipamahagi

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — Nagsimula nang ipamahagi ang pinansyal na ayuda sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps na walang ATM card.

Ang naturang financial assistance ay bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act. 

Ayon kay Department of Social Welfare and Development o DSWD Regional Director Marites Maristela, makakatanggap ang mga benepisyaryo ng 4Ps ng top-up amount na hahatiin sa dalawang tranches bilang karagdagan sa kanilang regular cash grants. 

Dahil dito, hindi na sila makakatanggap ng ibang serbisyo o benepisyo mula sa ibang ahensya ng gobyerno sa ilalim ng SAP.

Kaya naman bukod sa mga regular cash grant para sa buwan ng Abril at Mayo na 750 piso para sa health at 600 piso para sa rice subsidies, ang bawat sambahayan ay makakatanggap ng emergency subsidy na nagkakahalaga ng 5,150 piso kada buwan. Kaya naman aabot sa 6,500 piso ang kanilang matatanggap na ayuda kada buwan para sa Abril at Mayo.

Paliwanag ni Maristela, ang halaga na kanilang matatanggap ay ibinase sa minimum wage ng rehiyon na tinatayang kinakailangan na halaga upang makabili ng pagkain, gamot at hygiene essentials.

Nasa 2,632 na 4Ps sambahayan na walang ATM ang target para sa Gitnang Luzon kung saan karamihan dito ay nasa set 9 o nabibilang sa mga newly registered na benepisyaryo. 

Sila ay mula sa probinsya ng Aurora (71 sambahayan), Bataan (59 sambahayan), Bulacan (484 sambahayan), Nueva Ecija (931 sambahayan), Pampanga (713 sambahayan), Tarlac (265 sambahayan) at Zambales (109 sambahayan). 

Nauna nang nakuha ng mga 4Ps na may ATM card ang kanilang ayuda sa ilalim ng ESP. As of March 31, 2020, may kabuuang 286,681 sambahayang benepisyaryo ng 4Ps sa Gitnang Luzon.

Samantala, umabot na sa 487,115 mahihirap na pamilya sa Gitnang Luzon na di kasapi ng 4Ps ang nakinabang na din sa ESP.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews