LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Sinimulan nang ipamahagi kahapon sa Nueva Ecija ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP.
Ang Nueva Ecija ang ikatlong probinsya sa Gitnang Luzon na nag-rollout ng pamamahagi ng naturang financial assistance na bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, nagkakahalaga ang ayuda ng 6,500 piso para sa bawat mahirap na pamilya. Ito ay binatay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.
Ang mga unang benepisyaryo sa Nueva Ecija ay mula sa mga bayan ng Licab (286 pamilya), Zaragoza (1,188 pamilya) at Talavera (496 pamilya).
Magpapatuloy ang pay-out sa mga naturang bayan ngayong araw at pasisimulan din ang sa mga bayan ng Cuyapo at General Mamerto Natividad.
Samantala, patuloy ang pamamahagi ng financial assistance sa ilalim ng ESP sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Nasa 11,325 na pamilya na sa Bulacan ang nakatanggap ng ayuda. Sila ay mula sa mga bayan ng Pandi (4,747 pamilya), Baliuag (4,628 pamilya), San Miguel (112 pamilya) at San Rafael (1,838 pamilya).
Sa kabilang banda, 480 na pamilya na ang nakatanggap ng tulong sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga. Sisimulan naman ngayong araw ang pagbibigay ayuda sa lungsod ng Mabalacat.
Paliwanag ni Maristela, ang mga pamilyang nakatanggap ng ESP ay kabilang sa impormal na sektor na walang pinagkakakitaan dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Sila rin ay may miyembrong kabilang sa alin mang bulnerableng sektor- senior citizens, persons with disability, buntis, solo parents, katutubo, homeless citizens, distress at repatriated Overseas Filipino Workers, magsasaka, mangingisda, self-employed, informal settlers at yung mga informal workers gaya ng drivers, kasambahay, construction workers, labandera at manikurista.
Bukod sa DSWD, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Labor and Employment at Department of Agriculture.
Inaasahang makukumpleto ang pamamamahagi ng ESP sa 1.8 milyong mahihirap na pamilya sa Gitnang Luzon ngayong ika-30 ng Abril.