LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Sinimulan nang ipamahagi sa Pampanga ngayong Linggo ng Pagkabuhay ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP.
Ang Pampanga ang ikalawang probinsya sa Gitnang Luzon na nag-rollout ng pamamahagi ng naturang financial assistance na bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, nagkakahalaga ang ayuda ng 6,500 piso para sa bawat mahirap na pamilya. Ito ay binatay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.
Ang mga unang benepisyaryo sa Pampanga ay 1,176 pamilya sa lungsod ng San Fernando.
Samantala, nagpatuloy ngayong araw ang pamamahagi sa Bulacan partikular sa mga bayan ng Pandi (1,495 pamilya), Baliwag (2,815 pamilya) at San Rafael (740 pamilya).
Paliwanag ni Maristela, ang mga pamilyang nakatanggap ng ESP ay kabilang sa impormal na sektor na walang pinagkakakitaan dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Sila rin ay may miyembrong kabilang sa alin mang bulnerableng sektor- senior citizens, persons with disability, buntis, solo parents, katutubo, homeless citizens, distress at repatriated Overseas Filipino Workers, magsasaka, mangingisda, self-employed, informal settlers at yung mga informal workers gaya ng drivers, kasambahay, construction workers, labandera at manikurista.
Bukod sa DSWD, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Labor and Employment at Department of Agriculture.