LUNGSOD NG OLONGAPO (PIA) — Sinimulan nang ipamahagi kahapon sa Zambales ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP.
Ito ang pang-anim na probinsya sa Gitnang Luzon na nag-rollout ng pamamahagi ng naturang financial assistance na bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, nagkakahalaga ang ayuda ng 6,500 piso para sa bawat mahirap na pamilya. Ito ay binatay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.
Ang mga paunang benepisyaryo sa Zambales ay 166 na pamilya mula sa lungsod ng Olongapo.
Samantala, patuloy pa rin ang pamamahagi ng ESP sa mga probinsya ng Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Aurora at Tarlac.
Sa Bulacan, 26,837 na pamilya na ang nakatanggap ng ayuda. Sila ay mula sa Pandi (7,202 pamilya), Paombong (461 pamilya), Baliuag (8,082 pamilya), Doña Remedios Trinidad (141 pamilya), Malolos (2,048 pamilya), San Miguel (2,611 pamilya), San Rafael (2,422 pamilya), San Jose del Monte (2,409 pamilya), Angat (312 pamilya), Bustos (366 pamilya), Guiguinto (566 pamilya) at Balagtas (217 pamilya).
Sa Pampanga, 2,821 pamilya na ang tumanggap. Sila ay mula sa lungsod ng San Fernando (1,762 pamilya) at mga bayan ng Candaba (96 pamilya), Sta Rita (335 pamilya) at Guagua (628 pamilya).
Sa Nueva Ecija, 12,725 pamilya na ang nakatanggap ng tulong. Sila ay mula sa Licab (523 pamilya), Zaragoza (2,030 pamilya), Talavera (3,102 pamilya), San Jose (774 pamilya), General Natividad (3,715 pamilya), Talugtug (1,263 pamilya), Peñaranda (164 pamilya), Jaen (776 pamilya) at Cuyapo (378 pamilya).
Sa Aurora, 65 pamilya na sa bayan ng Baler ang nabahagian ng ayuda.
At panghuli sa Tarlac, may dalawang paunang bayan na napamahagian ng ESP kung saan 1,144 na pamilya ang nakatanggap. Ito ay naganap sa Ramos (252 pamilya) at Moncada (892 pamilya).
Paliwanag ni Maristela, ang mga pamilyang nakatanggap ng ESP ay kabilang sa impormal na sektor na walang pinagkakakitaan dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Sila rin ay may miyembrong kabilang sa alin mang bulnerableng sektor- senior citizens, persons with disability, buntis, solo parents, katutubo, homeless citizens, distress at repatriated Overseas Filipino Workers, magsasaka, mangingisda, self-employed, informal settlers at yung mga informal workers gaya ng drivers, kasambahay, construction workers, labandera at manikurista.
Bukod sa DSWD, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Labor and Employment at Department of Agriculture.
Inaasahang makukumpleto ang pamamamahagi ng ESP sa 1.8 milyong mahihirap na pamilya sa Gitnang Luzon ngayong ika-30 ng Abril.