Ang mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ito man ay Job Order (JO), Contract of Service (CS), casual, contractual, temporary o permanente na physical na nagre-report sa kanilang mga opisina o workstations sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nakatakdang makatanggap ng COVID-19 Hazard Pay base sa Kapasiyahan Blg. 213-T’2020 ng Sangguniang Panlalawigan (SP) at iba pang karagdagang insentibo.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, ang naturang inisyatibo at paglalaan ng naaayong benepisyo sa mga nasabing kawani, mga health workers at frontliners ay isang paraan ng pamahalaang panlalawigan upang palakasin ang kanilang moral sa panahon ng nagaganap na health crisis partikular na sa buong bansa.
“Alam naman po natin na hindi biro ang kalaban ng ating mga health workers ngayon, isang nakamamatay na virus ang kailangan nilang sagupain. Dagdag pa riyan ang hirap na dinadanas nila sa pagkalayo sa kanilang pamilya para mapaglingkuran tayo. Kaya naman isa ito sa ating paraan para pasalamatan sila,” ayon sa gobernador.
Ayon sa SP resolution na pinamagatang “Kapasiyahan na nagkakaloob ng COVID-19 Hazard Pay sa mga kwalipikadong kawani at manggagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, alinsunod sa mga tadhanain ng DBM Budget Circular No. 2020-1 (May petsang 24 Marso 2020) at nagsususog, nagpupuno sa mga tadhanain ng Panlalawigang Kapasiyahan Blg. 111-T’20 na pinagtibay noong 19 Marso 2020”, kung saan nagsasaad na ang mga nasabing mga indibiduwal ay sakop ng nasabing hazard pay na hanggang maximum rate na P500 per day kada inibiduwal.
“Thanking them everyday is not enough for these government employees, volunteers and health workers in the hospitals who took their lives at risk amid the threat of the virus. Dama natin ang kanilang sakripisyo kaya naman ang pagfa-fast track ng COVID-19 Hazard Pay resolution ng Sangguniang Panlalawigan ay isa lamang sa ating tinututukan upang ito ay maibigay sa tamang panahon,” Vice Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado said.
Ang naturang resolusyon ay humihiling din sa Local Finance Committee na pag-aralan kung ang PGB’s budget ay maaari rin sa maximum rate base sa kondisyon sa ilalim ng Section 7.0 ng DBM Budget Circular No. 2020-1; at humihiling din ng mababang uniform rate kung ang nasabing PGB’s budget ay hindi sapat.
Sinasabi rin sa resolusyon na ang naturang hazard pay ay agarang ipagkakaloob sa lalong madaling panahon.
Ayon kay VG Alvarado, binigyang prayoridad ng Sangguniang Panlalawigan sa isinagawang regular session na ginanap noong Mayo 7, kasama ang lahat ng department heads ng HR, Finance at Budget na maibigay sa mga empleyado, sa pinakamaagang panahon, ang kanilang 13th month pay.
Ito ay sa ilalim ng Kapasyahan Bldg. 155-T-2020 (Isang Kapasiyahang Nagbibigay Pahintulot sa Maagang Pag-release ng 13th Month Pay ng Lahat ng Kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulakan).