Nadakip sa ikinasang buy bust operation ng Drug Enforcement Unit at Orani Police ang isang regular employee ng Orani LGU kasama ang bayaw nito sa Barangay Pantalang Luma, Orani, Bataan nitong Hueves.
Sa report mula kay Police Major Dennis Orbista, Orani chief of police, kinilala ang nadakip na si Ronaldo Dionisio, nakatalaga sa Orani local government unit bilang Administrative Aide 3, at ang bayaw nito na si Roberto Bernaldo, 57, driver at kapwa residente ng nabanggit na barangay.
Napag-alaman sa imbestigasyon ng PNP na si Dionisio pala ay kapatid ng punong barangay ng Pantalang Luma.
Ayon kay Police Corporal Jay-R Mabazza, nakuha mula sa mga nadakip ang 7 sachets ng shabu at marked money na ginamit sa police operation. Todo tanggi naman ang mga suspect pero umamin umano si Bernaldo na dati na siyang nakasuhan at nakulong dahil sa drug-related case.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampang kaso sa dalawang suspect.