Engkuwentro sa Bulacan 2 robbery suspects patay

Camp General Alejo S Santos, City of Malolos — Kapwa nasawi sa madugong engkuwentro ang dalawang motorcycle riding robbery suspects matapos makipagbarilan sa mga kapulisan Biyernes ng madaling-araw.Kinilala ni PCol. Lawrence Cajipe, Provincial Director ng Bulacan PNP ang mga nasawing suspek na sina Rey Samonte at Reynold Tamayao.

Base sa panimulang imbestigasyon, dakong alas-2:10 ng madaling-araw ay nakatanggap umano ng tawag sa telepono ang Baliwag Police Station mula kay Enguerra Jeason, isang security guard ng Wilcom Depot kung saan isang pangho-hold up ang nagaganap sa Panrama Technologies sakop ng DRT Hi-way Barangay Tarcan, Baliwag, Bulacan kasabay rin ng report mula kay Joey Flores, 41, residente ng Cunanan St. Barangay Sto. Cristo, Baliwag, Bulacan na kinarnap ang kaniyang motorsiklo.

Sa pangunguna ni PLtCol. Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag Police, agad nilang inalerto ang Bulacan Tactical Operation Center hinggil sa deskripsyon ng mga suspek na natugma sa mga nangholdap sa unang inereport mula sa security guard.

Eksaktong nasa lugar ng pinangyayarihan ang mga tauhan ng Bulacan Provincial Intelligence Branch sa pangunguna ni PMaj Jansky Andrew Jaafar na nagsasagawa naman ng  surveillance operation kontra ilegal na droga na agad na tinungo ang lugar ng mga suspek.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng inagaw na motorsiklo mula kay Flores nang mapansin ang mga paparating na operatiba at nauwi sa ilang minutong habulan at nang makorner sa gawing bypass road ay dito na nagkaroon ng palitan ng putok na ikinasawi ng mga target na suspek.

Nabatid na nadala pa ang mga suspek sa Baliwag District Hospital sa Barangay Carpa subalit kapwa dineklarang dead on arrival ang mga ito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews