Kumikilos na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para muling maibalik ang mataas na produksyon ng alagang baboy sa lalawigan sa pamamagitan ng inilunsad na environmental swabbing sa mga commercial at backyard na kulungan ng baboy sa nasabing probinsiya na lubhang naapektuhan sa pagtama ng African Swine Fever (ASF) bago pa mag-pandemiya.
Ito ang inihayag ni Governor Daniel Fernando sa kaniyang talumpati sa ginanap na pagpupulong kasama ang mga magsasaka at mangingisda na may temang “Kamusta Ka Magsasaka at Mangingisdang Bulakenyo?” na ginanap sa Capitol Gymnasium sa Malolos City nitong Martes.
Dito ay pinasalamatan ni Fernando ang mga magsasaka na kabilang din sa mga pandemic heroes na silang malaki ang nai-ambag nitong Covid-19 pandemic dahil sa kanilang produksyon ng mga essential needs na bahagi ng ayudang ipinamahagi gaya ng mga bigas, manok, itlog, gulay at iba pa.
Ayon sa gobernador, sinimulan na nitong Lunes (July 12) ang kampanya ng provincial government, ang “Information, Dissemination Biosecurity and Safety Seminar/ Orientation” para sa 13 munisipalidad na tinamaan ng ASF at sinundan ito ng ongoing environmental o experimental swabbing sa mga kulungan ng baboy.
Ang experimental swabbing ayon kay Fernando ay ang pagkuha ng sample sa mga nasabing kulungan para sa laboratory test upang malaman kung ASF virus contaminated ang mga kulungan.
Nabatid na kapag “negative” ang kulungan sa ASF virus ay isasailalim ito sa disinfection at pagkaraan ng isang linggo ay saka pa lamang papayagan mag-alaga ng isa munang piglet o biik at kung ito ay makaka-survive in 3 weeks hanggang 1 buwan ay bibigyan na ang hog raiser ng go signal o certification para makapag-produce ng maraming alagang baboy.
Ayon pa kay Fernando, bago payagan mag-alaga ng marami ay sasailalim muna ang nasabing mga hog raisers sa 13 munisipalidad sa biosafety na nakapaloob sa “sentinel program” kung saan dito isasagawa ang pagsasanay para sa Bio-1 category o ang mga backyard farming at Bio-2 category para naman sa commercial farming.
Dito ay ituturo ang mga restrictions sa mga nabanggit na kategorya kung saan kabilang ang mahigpit na pagbabawal sa ibang tao na papasok sa kulungan kabilang ang ano mang uri ng hayop, mga tubig na dapat gamitin, disinfection sa mga kagamitan, at pagbabawal ng paggamit o pagpapakain ng “kaning-baboy”.
Paglilinaw ni Fernando, ang pananalanta ng ASF noong 2019 at sinundan ng pandemiya dulot ng Covid-19 ng 2020 ang pangunahing dahilan kung bakit bumagsak ang supply ng baboy sa Metro Manila at hindi ang kumakalat na misinformation na tila napabayaan ang hog industry sa Bulacan.
“ito po ay paglilinaw lang sa lumalabas na dis-impormasyon kung bakit ano raw ang nangyari sa pagbagsak ng hog industry sa Bulacan. Hanggang ngayon ay wala pang nadidiskubreng bakuna para sa ASF and then nasundan ng Covid-19 pandemic, maraming mga restrictions kung bakit hindi nakakapag-alaga ang mga magbababoy. In fact hanggang ngayon ay meron pa rin ASF sa Visayas at Mindanao,” ani Fernando.
Nabatid na isa ang lalawigan ng Bulacan na pangunahing hog meat supplier sa Metro Manila na nasa 60% ngunit malaki ang ibinagsak ng suplay dulot ng ASF kung kayat maraming hog raisers ang tumigil sa pag-aalaga partikular na ang mga nasa backyard at pagkaraan ay nalimitahan din ang pag-aalaga nang magka-Covid-19 pandemic.
Ayon kay Dr. Voltaire Basinag, hepe ng Bulacan Provincial Veterinary, noong 2019 nang manalanta ang ASF ay umabot sa 120,268 na baboy mula sa 40 commercial hog farms at 87,743 baboy naman mula sa 6,614 backyard farms ang kinumpiska at pinatay makaraang tamaan ng nasabing virus.
Sabi pa ni Basinag, bago magka-ASF ay nasa isang milyon ang hog population sa lalawigan at ngayon ay nasa 100,000 na lamang.
Dahil dito, sinabi ng gobernador, hindi tumitigil ang provincial government sa pagtulong at pagsasagawa ng mga alternative ways kaya naman binuo nila at malapit nang simulan ang Bulacan Provincial Government Multiplier and Breeding Center na itatayo sa 1,150 ektaryang lupain sa bayan ng Dona Remedios Trinidad.
Aniya, mag-aalaga dito ng ibat-ibang hayop para sa mass production na siya naman ipamamahagi sa mga animal farmer beneficiaries na nais mag-negosyo sa pag-aalaga ng hayop gaya ng baka, kalabaw, kambing, manok at bibe at sasamahan na rin ng paglalagay ng 25-hectare dairy farm.
Ayon kay Dr. Basinag, ang provincial government ay nakapag-pamahagi na ng nasa 500 alagang baka, 400 kalabaw at 570 na kambing sa mga magsasaka sa taong ito.