Estafa laban sa dating Pandi Mayor ibinasura

Ibinasura ng City Prosecutors Office ng Gapan City, Nueva Ecija ang kasong “Estafa” na isinampa laban  sa dating alkalde na si Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan dahil sa hindi pagsipot ng complainant sa itinakdang mga hearing. 

Ang kasong estafa ay isinampa ng isang nagngangalang Derick Tiu na nag-ugat sa umanoy business transaction o sosyohan sa umanoy illegal drug deal na kung saan ay humingi umano si Roque ng P1.7-million kay Tiu.

Nabatid na makaraan magbigay ng nasabing halaga sa inisyung tseke ay hindi na umano nagpakita si Roque.

Sa pagtakbo ng kasong isinampa ay bigong magpakita sa dalawang preliminary investigation hearing si Tiu na itinakda nitong nakaraang Pebrero 26, 2019 at Marso 5, 2019 kung kayat ibinasura ng piskalya ang kaso kay Roque.

Napatunayan din ng piskalya na ang ipinadalang subpoena kay Tiu ay bumalik dahil wala umano o “unknown” ang lugar ng tirahan na ibinigay ni Tiu kayat naging basehan upang ibasura ang kaso.

Kasabay nito, dahil na rin sa pangamba at takot na baka mayroon mangyari na hindi maganda sa kaniyang buhay, nagdesisyon si Tiu, ng Poblacion, Gapan, Nueva Ecija na lumutang at magsabi ng kaniyang nalalaman hinggil sa mga kasong isinampa at kinahaharap ngayon ni ex-mayor Roque.

Nitong Martes ng hapon ay kusang loob na humarap sa media si Tiu na nakasuot ng face mask, naka-hood at sun glasses bilang proteksyon sa kaniyang personal na seguridad na sinamahan naman ni Atty. John Ree Doctor, legal counsel ni Roque at inihayag nito na siya umano ay inutusan ni dating Pandi vice mayor Oca Marquez na kapatid naman ni re-electionist Mayor Celestino “Tinoy” Marquez upang sampahan ng ibat-ibang kaso si Roque.

Ayon kay Atty. Doctor, lumapit sa kanila at humingi ng tulong si Tiu dahil hindi na niya makonsensya at natatakot nang gawin ang susunod na ipinagagawa umano sa kaniya ni Oca Marquez.

Ang mga kaso niyang isinampa ay upang sirain ang kredibilidad ni Roque kung saan inamin nito na siya ay inutusan lamang at binayaran umano ng dating bise-alkalde ng nasabi ring bayan upang gawin ito.

Inamin din Tiu na hindi niya tunay na pangalan ang Derick Tiu ngunit pansamantala niyang hindi inilahad ang tunay na pagkatao para sa kaniyang seguridad at proteksyon. Inamin din nito na ang kasong rape laban kay mayor Roque na naganap umano sa loob ng Amana Waterpark Resort sa Pandi, Bulacan ay siya rin ang nagsampa at ang kaniyang ginamit na pangalan ay Mark Dela Cruz na kaniyang isinampa nitong Enero 2019.

Napag-alaman pa na anim na ibat-ibang kaso sa magkakahiwalay na probinsiya ang isinampa laban kay Roque at ang apat dito ay gawa-gawa lang umani ni Tiu gamit ang ibat-ibang pangalan habang dalawa sa mga kasong ito ay ibinasura na, ayon kay Atty Doctor.

Sinabi pa ni Tiu na gumagamit siya ng ibat-ibang fake ID na umanoy si Marquez ang nagpapagawa at ibinibigay na lamang sa kaniya kung mayroon nang ipapatrabaho.

Hindi naman sinabi ni Tiu kung magkano at ano ang kapalit sa mga trabaho niya sa kampo ng Marquez ngunit ayon sa kaniya ay mahigit dalawang taon na siyang nagtatarabaho dito.

“Dahil sa paglutang ni Tiu at sa kaniyang mga inamin, lumalabas na ang mga kaso laban kay Roque ay pawang mga fabricated at politically orchestrated upang sirain ang kredibilidad at reputasyon ni Mayor Roque,” ayon kay Atty. Doctor.

Kasalukuyan ngayong nasa kustodiya nila Atty. Doctor si Tiu habang pinag-aaralan pa ng mga kampo ni Roque ang susunod na hakbang at mga kasong isasampa laban sa mga Marquez.

Pilit naman kinukuha ang side ng mga Marquez subalit habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa sumasagot sa text messages si Mayor Marquez. ELOISA SILVERIO

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews