Nahaharap sa 5 counts cyber libel case ang isang dating municipal councilor habang 12 counts naman ng kaparehong kaso sa isang negosyante dahil sa serye ng social media post at Facebook live ng umanoy paninirang puri sa alkalde sa lalawigan ng Bulacan.
Nitong Enero 11, 2024 ay pormal na isinampa ni Mayor Roderick Tiongson ng San Miguel, Bulacan sa Provincial Prosecutors Office ang patong-patong na cyber libel case kontra kay dating municipal councilor Melvin Santos ng Barangay Camias, San Miguel na nahaharap sa 5 counts for Violation of RA 10175 (cyberlibel) gayundin sa negosyanteng si Mary Grace De Leon, ng Barangay Sta. Rita na nahaharap naman sa 12 counts ng kaparehong kaso.
Nasa kabuuang P17-milyon ang danyos na hinihingi ng alkalde para sa naturang mga kaso.
Ayon kay Tiongson, paninira sa personal niyang pagkatao ang mga serye ng social media post at FB live nila Santos at De Leon na nagsimula pa noong Nobyembre 2023.
Sinabi ni Atty. Joey Cruz, abogado ni Tiongson, nag-ugat ang reklamo dahil sa serye ng social media posts at FB live nila Santos at De Leon na umanoy direktang pag-atake sa personal na pagkatao ng alkalde kabilang na ang bintang na korapsyon sa kaban ng bayan, mamamatay tao, imoralidad at pagmomolestiya sa tao.
“Ang malayang pamamahayag ay may limitasyon na kung ito ay ginagawa upang siraan at yurakan ang dangal ng isang tao ng walang batayan ay dapat itong bigyan ng karampatang parusa na naaayon sa batas,” ani Tiongson.
Samantala, sa text message nina Santos at De Leon, sinabi ng mga ito na bagamat wala pa silang natatanggap na complaint pero nakahanda silang sagutin ang nasabing kaso sa korte.
“That is part of their rights to file a case against any person, nakahanda po ang aming mga abogado para harapin ito sa korte,” wika ni Santos.