LUNGSOD NG CABANATUAN — Hinihikayat ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang mga nasasakupang lumahok sa isinasagawang Expanded Targeted Testing.
Ayon kay Mayor Myca Elizabeth Vergara, layunin ng hakbanging ito na mapabuti ang kalagayan ng lungsod upang malaman ang mga may sakit ng COVID-19 at agad mabigyang solusyon.
Aniya, mas mabuti na ang may ginagawang pamamaraan kaysa maghintay lamang sa mga naiuulat na nagkakasakit.
Ika-isa ng Setyembre taong kasalukuyan nang magsimulang umikot sa mga barangay ang pamahalaang lungsod ng Cabanatuan upang libreng masuri sa rapid test ang mga nasasakupan na boluntaryong nagpapatingin.
Paglilinaw ng alkalde, sulitin na ang libreng pagkakataong makapagpasuri na handog ng pamahalaang lungsod.
Kung sa mga pribadong ospital o clinic ay aabot sa 1,500 piso ang rapid test, na libreng iniikot sa mga barangay ng lungsod ng Cabanatuan.
Paliwanag ni Vergara, kung sakaling maging reactive ang isang indibidwal sa rapid test ay agad siyang isasailalim sa confirmatory o swab test na libre ding ibinibigay sa isinasagawang Expanded Targeted Testing sa mga barangay.
Kaugnay nito ay ang pakiusap sa mga sumailalim sa swab test na sumunod sa 14-day quarantine, umiwas muna sa paglabas ng tahanan habang hinihintay ang resulta ng naging pagsusuri bilang pag-iingat sa sarili at sa mga kapwa o mahal sa buhay na makakasalamuha.
Bukod sa mga libreng pagpapatingin ay mayroon ding natatanggap na sampung kilong bigas ang bawat nakikibahagi sa rapid test at may karagdagang food packs para sa mga sumailalim ng swab test.
Bukod sa mga barangay ay nadala na din ang Expanded Targeted Testing sa Nueva Ecija University of Science and Technology na hiniling mismo ng pamantasan upang masuri ang mga guro at kawani.
Sa oras na matapos ang lahat ng mga barangay ay susunod namang sasailalim sa mga pagsusuri ang mga guro sa siyudad bilang paghahanda sa nalalapit na pagsisimula ng klase.
Ibinalita na din ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang naising makapagsagawa ng mga pagsusuri sa mga malalaking establisimyento sa siyudad at kung saan maraming mga tao upang lumawak ang maserbisyuhang kababayan.
Pahayag naman ni Cabanatuan City Health Office Chief Arminda Adecer, asahan na ang karagdagang mga kasong maitatala sa siyudad na may kaugnayan sa isinagawang mga pagsusuri sa mga barangay.
Nakakaapekto din aniya ang ipinaiiral na Modified General Community Quarantine sa tumataas na bilang ng mga nagkakasakit dahil sa unhampered ang mga papasok at palabas ng siyudad.
Batay sa talaan ng tanggapan noong Setyembre 11 ay umabot na sa 192 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Cabanatuan na kung saan 31 ang aktibong kaso samantalang 155 ang mga gumaling at anim ang mga nasawi.