Sampung araw bago ang Mayo 31 na sinasabing deadline ng umiiral na modified enhanced community quarantine o MECQ sa Bataan ay tinitiyak ng local government sa mga residente ng Bagac, Bataan na mas mahabang panahon pa ang bubunuin nila sa pagpapatupad dito ng community quarantine.
Sa isang panayam kay Bagac Mayor Ramil Del Rosario, naniniwala umano siya na ang problema ng bansa o ng buong mundo sa COVID-19 o corona virus disease ay malabo pang maresolba sa taong ito.
“Hindi bale nang sabihin ng mga tao na sobrang over acting o kill joy kamingmga nanunungkulan dito. Sana ay maintindihan nila yung mas malalim na kahulugan nito, hindi lang para sa amin ito, ito ay para sa kapakanan ng aming mga mamamayan sa Bagac,” pahayag ni Mayor Del Rosario.
Base sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office, mayroon nang 146 confirmed cases ng Covid-19 sa Bataanat pinaninindigan ni Mayor Del Rosario na Covid-free pa rin ang kanilang bayan dahil wala umanong naitalang local transmission dito.
“Sa mga kababayan ko, huwag munang umasa na makalalabas na kayo ng mga bahay nyo after May 31, kaya namin kayong pakainin kahit hanggang Disyembre basta stay home muna kung wala namang importanteng lakad o pupuntahan,” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, bilang tulong sa pamahalaang bayan ng Bagac ay namahagi kamakailan ng live chickens ang pamilya ni Vice Mayor Ron Del Rosario sa halos 8,500 pamilya sa lahat ng barangay rito habang karagdagang canned goods naman at noodles ang ibinahagi nila sa provincial government ng Bataan.