Face to face transaction sa Kapitolyo ng Bulacan lilimitahan

LUNGSD NG MALOLOS — Susubukan ng pamahalaang panlalawigan ang pagiging epektibo ng service dropbox system sa pagbibigay ng serbisyo sa mga Bulakenyo upang maiwasan ang face-to-face transaction ngayon panahon ng pandemya ng COVID-19.

Apat na araw ipapatupad ito na nagsimula nitong Martes matapos magpalabas ng isang Executive Order si Gobernador Daniel Fernando para sa mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocol base sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution No. 104.

Ayon kay Fernando, isasara ang entradang pintuan ng Kapitolyo at bubuksan na lamang ang likod na bahagi ng gusali kung saan may mga inilagay na tent at silya upang patuloy pa rin makapagbigay ng serbisyo sa mga Bulakenyo.

Sa pamamagitan nito aniya ay sisikapin nilang maipagkaloob pa rin ang paglilingkod nang hindi muna nagkakaroon ng physical contact o face-to-face transaction ang kliyente at mga kawani ng tanggapang nagkakaloob ng serbisyo.

Ang bawat tanggapan ay maglalaan ng transparent dropbox na may proper labelling ng mga kahilingan at kakailanganing dokumento sa pamahalaang panlalawigan.

Gagawin ito upang maproteksyonan din ang mga kawani ng Kapitolyo laban sa COVID-19.

Gagamitin din ang makabagong teknolohiya gamit ang iba’t ibang social media platforms upang mai-promote ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaang panlalawigan.

Ginawa ang bagong istratehiya matapos ang lalawigan ay naibalik sa General Community Quarantine kasama ng National Capital Region, Cavite, Rizal at Laguna.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews