LUNGSOD NG MALOLOS — Nanawagan ang Provincial Health Office-Public Health o PHO-PH sa mga Bulakenyo na tigilan ang pagkakalat ng maling balita o fake news hinggil sa Coronavirus Disease o COVID-19 at iwasang lumikha ng takot sa mga mamamayan.
Ayon kay PHO-PH Head Jocelyn Gomez, hindi nakatutulong sa lalawigan o maging sa bansa na matugunan ang COVID-19 ng pagkakalat ng maling mga impormasyon sa social media gayundin sa text messages.
Hinihikayat niya ang mga kalalawigan na kumuha lamang ng update sa official social media accounts ng Department of Health o DOH at PHO-PH.
Batay sa pinakahuling tala ng DOH, wala pang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa alinmang lalawigan sa Gitnang Luzon as of 12:00NN ng Pebrero 11. (CLJD/VFC-PIA 3)