‘Farmers and Fishermen Summit 2019’ kasado na

ORANI, Bataan — Kasado na ang gaganaping Farmers at Fishermens Summit 2019 sa bayan ng Orani, Bataan sa darating na Lunes.

Ito ang ibinalita ni Bataan First District Congresswoman Geraldine Roman matapos ang kanyang pagdalo kahapon sa 1st Town Hall Meeting sa Bayan ng Samal o ang first 100 days report ni Mayor Aida Macalinao bilang Punong Bayan. 

“Sa ating mga magsasaka at mangingisda, magkita kita po tayo sa Lunes, October 21, sa Orani Multi Purpose Gym. Tara na at pag usapan po natin ang inyong mga sitwasyon kasama ang iba’t ibang sangay ng gobyerno,” pahayag ni Rep. Roman.  

Sa naturang Summit ay pakikinggan ang mga hinaing at mga problemang kinakaharap ng mga magsasaka at mangingisda hindi lang sa Unang Distrito ng Bataan kundi maging sa mga kasamahan nila sa Ikalawang Distrito.

Magkakaroon din ng optical at medical mission para sa mga dadalo at iba pang sorpresang handog. Kamakailan ay namahagi si Congresswoman Roman ng may 2,158 food packs par sa mga mangingisdang naapektuhan ng Habagat sa pakikipag tulungan sa DSWD.

Kabilang din sa mga kamakailan ay naisumiteng panukalang batas sa Kongreso ni Rep. Roman para a mga magsasaka at mangingisda ay ang Farmers First Act at ang Fish and Fisheries Hatcheries Act. 

Noong isang taon ay ginanap sa unang pagkakataon ang Agrarian Reform Summit sa bayan ng Orani na may temang Farmers First kung saan dumalo sila Bataan Governor Abet Garcia at Agrarian Reform Secretary John Castriciones.

Ang naturang proyekto ni Congresswoman Roman, sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga LGUs at mga national agencies, ay inaasahang mapapalakas at malaki ang maitutulong nito sa sektor agrikultura. Layon din nito na mahikayat ang mga kabataan na bigyan pansin din ang mga kursong pang agrikultura at farming para makatulong sa food security sa bansa. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews