NAGSAGAWA ng inspection sa mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan na tinaguriang fireworks capital of the Philippines ang mga opisyal ng Bulacan Pyrotechnic Regulatory Board (PRB) kasama ang Philippine National Police (PNP) para masiguro na ang mga Bulakenyo at mga pyrotechnic consumers ay magiging ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Bagong Taon at upang maiwasan na rin ang pyrotechnic-related incident sa taong ito.
Ang isinagawang inspection sa mga tindahan ay pinangunahan ng inspection team ng PRB at siyang Chairman na si Governor Daniel Fernando at ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr kasama sina Vice Gov. Alex Castro, mga pamunuan ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association (PPMDAI), Philipine Fireworks Association, Police Regional Office 3 regional director BGen Cesar Pasiwen, Bulacan Police director PCol. Relly Arnedo, Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, Vice Mayor Sherwin Tugna, Department of Trade and Industry (DTI) provincial director Edna Dizon, Department of Science and Technology (DOST), Department of Labor and Employment (DOLE), Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), at Bureau of Fire and Protection (BFP).
Ayon kay Fernando, ang nasabing pagbisita sa mga pyro stalls ay upang matiyak na ang mga rules and regulations na nakasaad sa Republic Act No. 7183 on manufacturing, sale and distribution ay natutugunan ng mga manufacturers, dealers at retailers.
“Ang gusto natin dito ay ang kaligtasan ng lahat. Ipinapakiusap na rin natin sa mga consumers na wag na silang gumamit ng mga bawal na paputok para hindi na makadisgrasya. Narito rin tayo ngayon para bantayan ang mga nagtitinda at siguraduhin na walang mga ipinagbabawal na mga paputok na binebenta rito. Dagdagan po natin ang ating pag-iingat dahil bukod sa aksidenteng maidudulot nito, may COVID pa rin tayo,” ani Fernando.
Samantala, sinabi ni Vice Gov. Castro na bibisitahin nila ang mga ordinansang naipasa na ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa mga alituntunin at guidelines na ipinatutupad sa pyrotechnic law.
“Kung kailangan mayroon amyendahan, why not para sa kaligtasan ng mga manufacturers, laborers at fireworks consumers lalo na ng mga Bulakenyo,” pahayag ni Castro.
Hinikayat naman ni Azurin ang mga consumers na huwag tangkilikin ang paggamit ng mga prohibited firecrackers tulad ng watusi, piccolo, super lolo, pla-pla, giant bawang and whistle bomb, goodbye Philippines at iba pang ipinagbabawal na paputok.
Ayon naman kay Mayor Villanueva, nasa 61 ang licensed dealers at 6 legitimate fireworks factories ang naitala sa munisipyo kung saan inatasan na rin niya ang kaniyang chief of police ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga fireworks stores at pabrika bilang paghahanda sa paghihiwalay ng taon.
Aniya, kabilang sa mga safety measures ng municipality of Bocaue ay ang 24/7 monitoring sa mga nasabing factories at stalls.
Ayon sa Bulacan PNP, mahigpit nitong ipinatutupad ang Executive Order No. 28 sa lahat ng manufacturers at distributors ng pyrotechnics sa lalawigan.