Fernando inilahad mga GCQ health protocols

Inilabas ni Gobernador Daniel Fernando ng Bulacan ang Executive Order No. 19, series of 2020 na naglalaman ng mga alituntunin na susundin sa ilalim ng General Community Quarantine sa lalawigan mula Hunyo 1 hanggang 15, 2020.

Isinasaad sa executive order na kailangang obserbahan ang minimum health protocols kabilang ang pagsusuot ng face masks, physical distancing, thermal scanning, regular na sanitasyon, hindi pagdura, at kalinisan ng pangangatawan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang communicable na sakit.

Nilinaw din ng EO na ang paglalakbay at paggalaw ng lahat ng tao sa lalawigan ay limitado lamang sa pagkuha ng pangangailangang produkto at serbisyo, at pagta-trabaho sa mga opisina o industriya na pinapayagan na ang operasyon; at ang paglabas para sa paglilibang ay hindi pa rin pinapayagan.

“Huwag po nating kalilimutan na ang GCQ ay isa pa ring quarantine measure. Pinapayagan na po nitong makabalik sa trabaho ang mga manggagawa na kabilang sa mga industriyang pinahihintulutan na ng IATF ngunit hindi nangangahulugan na maaari na tayong bumalik na sa normal nating pamumuhay. Naririyan pa rin ang banta ng sakit na dala ng pandemya at hindi pa rin tayo ligtas mula rito,” paalala ng gobernador.

Dinagdag pa ng gobernador na ang mga buntis na babae, mga taong immune-deficient o compromised, o may iba pang health risks, o mga may edad sa pagitan ng 18 at 20 o 59 taong gulang pataas ay hindi pinapayagang lumabas ng kanilang tahanan, maliban kung bibili o magtitinda ng pangangailangang produkto o serbisyo, o magta-trabaho sa mga pinapayagang industriya. Ang mga may edad na 18 taong gulang pababa ay hindi pinapayagang lumabas maliban kung sasamahan ng magulang o tagapag-alaga at nangangailangan ng atensyong medikal o kailangang pumunta sa katulad na emergency.

Ang mga pagtitipon katulad ng, ngunit hindi limitado sa panonood ng sine, konsiyerto, sporting events, entertainment activities, pagtitipon sa komunidad, at hindi mahalagang pagtitipon ay ipinagbabawal pa rin; habang ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno ay maaaring buong kapasidad o sa ilalim ng alternative work arrangement alinsunod sa mga kaugnay na rules and regulations ng Civil Service Commission.

Makikita ang buong kopya ng executive order sa opisyal na Facebook page ni Gobernador Daniel R. Fernando habang ang Information, Education, and Communication material tungkol sa GCQ Guidelines ay naka-post sa opisyal na Facebook page ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews