LUNGSOD NG MALOLOS – Sa ginanap na Joint PDRRMC and C/MDRRMOs’ 3rd Quarter Meeting via Zoom kahapon, iniutos ni Gob. Daniel Fernando na sundin ang kanyang direktiba na pag-ibayuhing maiigi ang istratehiya ng lalawigan laban sa COVID-19 kabilang ang prevention, detection, isolation or quarantine, testing at treatment.
Partikular niyang tinukoy ang koordinasyon sa lahat ng lokal na yunit ng pamahalaan sa lalawigan para sa contact tracing at isolation o quarantine.
Aniya, “kailangan ko ang aktibong paggawa ng bawat isa sa kanilang tungkulin”.
Inatasan din niya ang Provincial Task Force COVID-19 partikular na ang Health, Response at Law and Order Clusters na tukuyin ang anumang kakulangan o posibleng magiging problema sa mga ipinatutupad na protocols upang agarang masolusyunan.
Dagdag niya, napakahalaga din ang paggabay at pagtulong sa mga kababayan ng pagkakaisang gagawin ng mga lokal na ehekutibo, PNP, C/MDRRMO, MHO at ng mga pamahalaang barangay.
Kabilang sa tinalakay ang pagkakaroon ng bawat bayan at lungsod ng operational quaratine o isolation na pasilidad.
Tinawag niya ang atensyon ng mga punong lungsod at bayan hinggil sa pagtatalaga ng kanilang sariling quarantine na pasilidad. Ayon pa kay Fernando, pabor din siya sa “No Home Quarantine” dahil mas maiiwasan nito ang hawahan sa pamilya ngunit kung puno na ang mga pasilidad, tsaka lamang maaaring mag-isolate sa bahay.
“Makatutulong po ng malaki ang pagkakaroon ng pasilidad para sa mga pasyente ng COVID-19 sa pagpigil sa paglobo ng mga positibong kaso. Gayundin, katuwang po ninyo kami sa paghahatidng mga asymptomatic na pasyente ng COVID-19 sa mga quarantine facilities,” ani Fernando.