Fernando, nilinaw ang sitwasyon ng COVID sa Bulacan

Naglabas ng pahayag si Governor Daniel Fernando sa kasalukuyang kalagayan o sitwasyon ng Covid-19 cases sa Bulacan kung saan hindi siya sang-ayon sa report na tanging ang nasabing lalawigan lamang sa buong Gitnang Luzon ang umanoy hindi bumubuti ang kaso ng nasabing virus.

Nauna rito, sinabi ni Secretary Carlito Galvez jr, Chief Implementer, National Task Force Against Covid-19 sa kaniyang report kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong nakaraang Lunes na “bumubuti na ang Covid situation ng buong Gitnang Luzon maliban sa Bulacan.”

Nais linawin ni Fernando para sa kaalaman ng lahat partikular na ang mga Bulakenyo na puspusan ang ginagawang preventive measures ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at mga inisyatibo upang labanan at tuluyang mapatay ang covid sa buong probinsiya. 

“Bilang paglilinaw po, sa buong Central Luzon, ang Bulacan ang pinakamalapit na probinsya sa National Capital Region. 

Alam po natin na NCR ang epicenter ng virus, it’s only logical na medyo mataas ang magiging COVID rate ng lahat na katabing probinsiya nito gaya ng Bulacan due to its proximity to Metro Manila,” ani Fernando. 

Nilinaw ng gobernador na ang Bulacan ang mayroong pinakamababang report case ng covid sa mga probinsiya nakapalibot sa Metro Manila kabilang ang Rizal, Cavite at Laguna.

Ikinumpara nito ang kasalukuyang 273 kaso ng kumpirmadong tinamaan ng covid sa Bulacan kumpara sa 591 sa lalawigan ng Rizal, 463 sa Cavite, at 511 kaso naman sa Laguna ayon sa  DOH COVID Tracker as of Hunyo 16, 2020.

“Hindi dapat sa tumataas na bilang lamang ng kaso ang titingnan natin, silipin din natin ang buong kaganapan at sitwasyon gaya ng “recoveries” at kung anong effort ang ginagawa ng mga lokal na pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng virus,” ayon kay Fernando. 

Ipinagmalaki ng gobernador ang naitalang  tatlong sunud-sunod na linggo na walang Covid death cases sa kaniyang nasasakupan kasabay ng patuloy na lumalaking bilang na 136 recovered patients. 

Binigyang-diin ni Fernando na ang Bulacan ang isa sa mga unang lalawigan ng nakapagtayo ng sariling ospital para sa COVID na pinondohan ng lalawigan, ang Bulacan Infection Control Center na nagsimula ang operasyon noong Mayo 1, 2020; at sariling molecular laboratory, ang Bulacan Molecular Diagnostic Laboratory, na inaasahang magsisimula ang operasyon sa susunod na buwan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews