Freeport Area of Bataan, ginawang lalong maging business-friendly

LUNGSOD NG BALANGA — Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Republic Act 11453 na higit na magbubukas sa Freeport Area of Bataan o FAB na nakabase sa bayan ng Mariveles sa mas maraming uri ng mga mamuhunan.

Iyan ang nagsilbing “pasalubong” ng Pangulo sa mga taga-Bataan sa kanyang pagbisita sa lungsod ng Balanga sa pagpapasinaya sa Bataan Government Center and Business Hub o mas kilala rin bilang “The Bunker.”

Pangunahing probisyon nito ang pag-amyenda sa umiiral na Republic Act 9728 o ang Freeport Area of Bataan Act of 2009 na nagpapalawak ng sakop nitong 1,742.58 ektarya hanggang sa mga ilog at tabing dagat na nito.

Ibig sabihin, bukod sa kalupaan ng Mariveles na sakop nitong FAB, isinama na bilang bahagi nito ang mga tabing dagat para sa potensyal na pamumuhunan gaya ng ship building industry, shipping, barging, stevedoring, cargo handling, hauling, warehousing, storage ng cargo, at port services gaya ng pagtatayo ng pier o pantalan. 

Kalakip ng pagpapalawak ng heograpikang sakop ng FAB, ang higit na pagbubukas nito sa mas maraming uri ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng otonomiya. 

Dahil dito, binibigyan ng kalayaan ang FAB na makapamahala nang sarili upang makahikayat ng mga bagong pamumuhunan sa sektor ng research and development, engineering, medical, education at information and communications technology. 

Gayundin ang pagpapahintulot na pumasok rito ang mga nasa sektor ng susunod na henerasyon ng teknolohiya. Kabilang diyan ang mga nasa artificial technology, blockchain, business process outsourcing, cloud computing, cyber security, distributed ledger technology, financial technology solutions, internet at virtual reality. 

Kasama rin sa probisyon ang pagbubukas ng FAB hindi lamang sa mga pabrika kundi sa mga tinatawag na Sunshine Industry gaya ng turismo, retirement, healthcare services, agro-industrial, banking at financial.

Kaugnay nito, bukod sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa mas pinalaking FAB, ibinalangkas din sa Republic Act 11453 ang pagpataw ng 5 porsyentong Tax Rate sa gross income rate ng mga mamumuhunang papasok sa FAB. 

Sa loob ng porsyentong ito, tig 1% ang magiging bahagi ng pamahalaang nasyonal, pamahalaang panlalawigan ng Bataan at pamahalaang bayan ng Mariveles habang 2% ang maiiwan sa FAB. 

Pinasalamatan naman ni Gobernador Albert S. Garcia si Pangulong Duterte sa paglagda sa Republic Act 11453 dahil magbibigay aniya ito ng mas maraming oportunidad upang higit na maiangat ang buhay ng mga taga-Bataan.

Ayon pa sa gobernador, akmang-akma rin ito sa Vision 2020 ng pamahalaang panlalawigan na hangad na manguna ang Bataan sa Human Development Index ng bansa.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews